NU magdedepensa ng cheerdance title

MANILA, Philippines - Pagsisikapan ng National University Pep Squad na maidepensa ang hawak na cheerdance title sa pag-larga ng UAAP Cheerdance Competition ngayon sa Smart Araneta Coliseum.

Ginulat ng NU ang mga katunggali noong nakaraang taon nang kunin ang kauna-unahang cheerdance title at ginawa ng koponan ang lahat ng makakaya para mahigitan ang ipinakita noong nakaraang taon kahit may mga atletang maaaring hindi makasama sa performance bunga ng iba’t ibang injuries.

Sa ganap na ala-una ng hapon magsisimula  ang aksyon at asahan ang palabang UP Pep Squad at UST Salinggawi Dance Troupe na mag-uunahan sa paggawa ng kasaysayan dahil parehong pinupuntirya ang ika-siyam na kampeonato.

Unang magpapalabas ang UE Pep Squad bago sundan ng FEU Cheering Squad, UP Pep Squad, UST Salinggawi Dance Troupe, Ateneo Blue Babble Battalion, La Salle Animo Squad, Adamson Pep Squad at NU Pep Squad.

Magkakaroon din ng tagisan sa Group Stunts division na kung saan ang NU rin ang siyang nagdedepensang kampeon.

Show comments