Casimero, 3 pa pararangalan sa Elorde Memorial Awards

MANILA, Philippines - Kabilang si John Riel Casimero, ang isa sa pinakabatang Filipino world champions sa kasalukuyan, sa apat na top boxers na pararangalan sa 14th Gab-riel “Flash” Elorde Memorial Awards and Banquet of Champions sa Marso 25 sa Tent City ng Sofitel Hotel.

Tatlong beses naidepensa ng 24-an-yos na si Casimero ang kanyang suot na IBF light flyweight crown kung saan ang dalawa rito ay noong 2013 nang umiskor siya ng isang unanimous decision kontra kay Luis Alberto Rios ng Panama sa Panama City noong Marso 16 at isang 11th round TKO kay Felipe Salguero sa Makati noong Oktubre 26.

Ang iba pang bibigyan ng rekognis-yon sa awards night, idinadaos bilang paggunita kay boxing legend Flash Elorde na naging undefeated world junior lightweight champion sa record na pitong taon noong 1960s, ay sina WBO light flyweight Donnie Nietes, WBO minimumweight champion Merlito Sabillo at Nonito Donaire.

Muling pinatumba ni Donaire ang karibal na si Vic Darchinyan sa kanilang rematch noong Nobyembre 9 sa Texas.

Si Manny Pacquiao, ang tanging Filipino na nagkampeon sa walong magkakaibang weight divisions, ay may puwesto na sa Banquet of Champions matapos tumanggap ng best boxer award sa tatlong magkakasunod na taon.

Gagawaran din ng parangal ang mga Filipino international at Philippine champions.

Ang special awards ay ibibigay naman sa best referee, promoter, matchmaker, judge at most promising fighter at ang best fight of the year, habang ang citations ay ipapamahagi sa mga individuals at entities na nagbigay ng kontribusyon sa professional boxing noong 2013.

Si Laura Elorde, ang asawa ni The Flash, ang magbibigay ng awards sa ngalan ng Elorde Family.

 

Show comments