Mendoza nakapasok sa semis sa tennis event ng 2nd AYG

NANJING, China – Ti­nalo ni second seed Jurence Mendoza ng Pilipinas si Hong Kit Wong ng Hong Kong, 6-1, 6-2, para umabante sa semifinals ng boys’ tennis sa 2nd Asian Youth Games dito.

Naisuko ng 17-anyos na si Mendoza ang first game sa opening set, ngu­nit kaagad na nakabawi para ungusan ang unsee­ded netter ng Hong Kong.

Dahil walang paglalabanan para sa bronze me­dal sa tennis, tiyak nang makukuha ni Mendoza, ang No. 89 sa world youth ran­kings, ang anuman sa gold o silver medal.

Nauna nang nakakuha ang bansa ng isang gold at isang silver sa girls’ golf mula kina Mia Legaspi at Princess Superal.

Makakaharap ni Mendoza sa semis sinuman ki­na Roman Khassanov ng Kazakhstan, ang No. 473 sa world youth rankings, at Garvit Batra ng International Olympic Athletes.

Kung mananalo si Men­doza sa semis ay pa­pa­sok siya sa gold medal round bukas.

“We’re in the semis now. I want to win the gold medal here,” sabi ng UP freshman.

Samantala, natalo naman ang 3-on-3 basketball team ni­na Isaac Go, Patrick Ra­mirez at Andrei Caracut kontra sa Iran, 14-16, sa kanilang laro sa quarterfinals.

Nabigo ang Nationals na makalaro sa semifinals.

Show comments