SM Beermen wagi sa Singapore Slingers

MANILA, Philippines - Gumana agad ang mga kamay nina Leo Avenido at Justin Williams para agad na ilayo ang San Miguel Beermen tungo sa 78-57 pagdurog sa bisitang Singapore Slingers sa 4th ASEAN Basketball League (ABL) kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Ibinagsak ni Avenido ang dalawang tres matapos lumamang ang Slingers sa 10-7, para ibigay ang first period sa Beermen, 20-15. Si Williams ang nanalasa sa sumunod na yugto na kinatampukan ng ilang dunk shots para tuluyang dominahin ang labanan.

May 16 puntos sa 4-of-7 shooting sa field at 6-of-6 sa free throw line si Avenido habang si Williams ay naghatid ng 14 puntos, 7 rebounds at 3 blocks.

Ito ang ikaapat na sunod na panalo ng Beermen sa Slingers at ikapito sa pangkalahatan para manatiling matibay ang kapit sa ikalawang puwesto sa 10-3 karta.

Ang dalawang koponan ay muling maghaharap sa Abril 13 sa nasabing venue.

 

Show comments