Ika-4 dikit na panalo tangka ng SMBeermen

Laro ngayon


(Ho Chi Minh , Vietnam)

4 p.m. – Indonesia Warriors vs Chang Thailand Slammers

5:30 p.m. – Singapore Slingers vs San Miguel Beer

8:00 p.m. – Westports Malaysia Dragons vs Saigon Heat

 

MANILA, Philippines - Ikaapat na sunod na panalo ang nais na lagukin ng San Miguel Beer sa gaganaping triple-header sa 4th ASEAN Basketball League (ABL) ngayong hapon sa Tahn Bihn Stadium, Ho Chi Minh City sa Vietnam.

Ang pagkakaroon ng tatlong laro ngayon at sa Linggo ay bahagi sa ABL Hoops Fest na katatampukan din ng slamdunk at 3-point shooting contest sa Sabado.

May 6-3 karta ang Beermen at ang panalo ay maaaring magbigay daan para mabawi nila ang lideratong minsan nilang hinawakan.

Unang sasalang ang nagdedepensang Indonesia Warriors (7-3) sa Chang Thailand Slammers (3-7) sa ganap na ika-4 ng hapon at kung mamalasin ang Warriors at suwertehin ang Beermen, ang tropa ni coach Leo Austria ang aangat sa unahan sa anim na koponang liga.

Ang ikatlong laro ay sa pagitan ng Westports Malaysia Dragons (5-5) at Saigon Heat (3-5) dakong alas-8:00 ng gabi.

 

 

Show comments