Indonesia binawian ang SMBeermen

MANILA, Philippines - Bumawi ang nagdedepensang kampeon na Indonesia Warriors sa pagkatalo sa San Miguel Beermen sa unang pagkikita sa pamamagitan ng 98-96 panalo sa overtime sa 4th ASEAN Basketball League (ABL) kagabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Bumangon ang Warriors mula sa 13 puntos pagkakalubog, 55-68, sa kalagitnaan ng huling yugto at sinandalan ang mga free throws nina Filipino import Jerick Canada at Mario Wuysang sa overtime.

Si Canada na tumapos taglay ang 18 puntos, ay nagbuslo ng apat na sunod sa 15-foot line para kunin ang 96-93 kalamangan.

Matapos ang sablay ni Gabe Freeman, si Wuysang ay nalagay sa free throw line at gumawa pa ng dalawa para tiyakin ang panalo sa 98-93 iskor sa huling pitong segundo.

Nanguna si Wuysang sa kanyang 20 puntos habang sina Chris Daniels, Steve Thomas at JR Smith ay may 18, 17 at 16 puntos para palawigin sa apat na sunod ang pagpapanalo tungo sa 4-2 baraha.

Si Freeman ay tumapos ng kabuuang 33 puntos bukod pa sa 15 rebounds ngunit di sapat ito para malaglag ang Beermen sa 2-2 baraha.

 

Show comments