Zombie Family (124)
GALIT na galit ang dalawang anak ni Marga.
“Bakit ninyo kami tinatali?”
“Bakit ninyo kami kinukulong?”
Pumasok ang isang attendant kahit takot. “Tumigil kayo. Huwag kayong maingay. Mamaya baka patulugin pa kayo ni Dok!”
“Hindi kami natatakot sa kanya!” Sigaw ng lalaking teenager, nanlilisik ang mga mata.
Ang galit ang nagti-trigger ng pagiging zombie nila.
“Papatayin namin kayo!” Sigaw din ng teenager na babae.
Napaurong ang attendant. Natatakot.
Lumabas na lang ito sa confinement room.
Nagsabi sa kasama. “Grabe ang dalawang ‘yan. Iba na talaga ang mga ‘yan, hindi na tao!”
“Bakit, ano ba nangyayari sa kanila ngayon?”
“Iba ‘yung panlilisik ng mga mata, e! Para ngang lalamon ng tao! Narinig mo naman ang usapan nina Dok at Ma’m Laurice, hindi ba? Nakakain na ng tatlong teenagers ang dalawang ‘yan!”
“Kung puwede nga lang bang huwag na tayong pumasok diyan sa loob, e.”
“Kaya lang paano ang trabaho natin?”
“Iyon na nga. Ganitong wala si Dok dahil nagpapahinga sa bahay niya, ano man ang susunod na mangyayari sa dalawang iyan, wala tayong alam gawin!”
“Iyon ba ang problema? Hindi naman iyan ang problema, e. Kapag may masamang mangyari, sa atin ‘yon!”
“Tayo ang magiging mga biktima?”
“Oo, patay tayong tiyak!”
“Teka nga, sisilipin ko. Kailangan updated tayo ng mga itsura nila o kung ano na ang ginagawa nila.”
“Mag-ingat ka!”
Pumasok nga ang isa namang attendant sa confinement room.
Nayanig siya. “Diyos ko po!”
Nakatali pa rin ang dalawa.
Pero mahahaba na ang mga dila at kay-iitim ng mga mata. Tulo nang tulo pa ang mga laway.
Naglalaway na sa kanya ang dalawang anak nina Marga at Herman. At lumalakas. Hinihila ang mga chains nila sa kamay. At dahil nga hindi naman mga matatabang chains, kayang-kayang malagot. ITUTULOY
- Latest