Zombie Family (89)

NANGINGISAY pa rin ang zombie Marga habang nakabulagta sa dalampasigan.

Wala pa ring alam si Herman.

Natutulog si Herman at nananaginip ng masasayang sandali nila ni Laurice. At kanyang mga anak.

Napapangiti siya. Masaya sa kanyang pa­naginip.

MASAYA naman si Laurice nang magsisi­mula nang tumira sa kanila ang anak nina Marga at Herman.

Sa unang araw, kitang uncomfortable ang dalawa. Nahihiya o naiilang.

Lalo na kasi naiilang din naman ang kanilang mga kapatid sa ama.

Kahit mga mababait ang mga ito at tinatanong pa kung ano ang mga kailangn nila.

“Ii-enroll daw kayo uli ni Mommy. Sa school din namin. Gusto n’yo bang makita ang mga school activities namin para may ideas kayo.”

Nahihiya namang tumango ang dalawa.

“Sige, sa Facebook. Magpapadala kami ng friend request ni Kuya. May mga facebook naman kayo, ‘di ba? I-accept n’yo na lang.”

“Tama. Kasi nasa FB accounts namin ang lahat na pictures at explanations kung ano ‘yung mga ‘yon, e. Kumpleto.”

 Ngumiti lang ang dalawa.

Kasi wala silang laptop. Ang laptop na hiraman silang gamitin doon sa clinic-laboratory ay hindi naman kanila. Kaya naiwan lang doon.

Pero heto na si Laurice, lumapit. “Don’t worry. Meron na kayong laptop na magkapatid, hiraman na lang kayo, ha? Binilhan ko kayo. Here.”

Nanlaki ang mga mata ng magkapatid nang makita ang laptop.

“Salamat po!”

“Ang galing naman, may laptopt na kami! Thank you po talaga!”

Parehong nagliwanag ang mga mata ng dalawang kabataang dating zombies. Kitang-kita ang natural na katuwaan ng tao.

Na-relax naman kahit papaano ang mga anak ni Laurice. Taong-tao sa kanilang paningin at pag-oobserba ang kilos at reaksiyon ng dalawa.

Kinuha rin ng dalawa ang kanilang laptop, hiraman lang din kasi sila. Tinuturuan sila ni Laurice ng sharing ng gamit. Kahit kaya nilang bilhan ni Herman, gusto nilang maging matipid, masinop ang magkapatid. At magkaroon ng ugaling nakikipag-share. Inaasahan din ni Laurice na pati sa mga kapatid sa labas, hindi magiging maramot ang kanyang mga anak.

Itutuloy

Show comments