Bagsik ng paghihiganti ni mister

Dear Vanezza,

Bilang babae ay aminado akong nahulog ako sa tukso habang nasa abroad ang mister ko. Hindi lang isang beses kundi dalawa pa. Pareho rin akong nabuko ng mister ko, pero tinanggap pa rin niya ako. Buong akala ko na lubos na akong pinatawad ng mister ko. Lubos naman akong nagsisisi sa aking kasalanan. Ang problema, pagbalik ng mister ko sa Dubai ay naka-block na ako sa kanyang Facebook account at nagpalit na rin siya ng telephone number.  Nakikita ko na lang sa kanyang mga post sa anak ko na may GF na siya. Panay rin ang post nito tungkol sa divorce rito sa ‘Pinas. Kinakausap na lamang niya ang mga anak ko, pero hindi ako. Sa biyenan ko na lang siya nagpapadala ng pera namin. Kung maibabalik ko lang ang pagkakataon ay hindi sana ako naging marupok. Ano ba ang dapat kong gawin?

Eva

Dear Eva,

Habang hindi pa final ang kanyang pagsasampa ng divorce ay baka sakaling may pag-asa pa. Puwedeng magpakumbaba ka sa iyong biyenan na makausap ang iyong mister upang manghingi muli ng tawad. Kausapin mo rin siya sa pamamagitan ng account ng iyong anak. Pero kung buo na ang desisyon ng mister mo, kailangan mo tanggapin ang bagsik ng kanyang paghihiganti sa pangangaliwa mo.

Sumasainyo,

Vanezza

Show comments