Pangalawang Anino (446)

NAG-LUNCH nga sa isang simpleng restaurant lang sina Nanette at Arturo.

Nagkukuwentuhan.

Pero nakikita ni Arturo na bothered si Nanette.

“May problema ba? Parang hindi ka mapalagay, Nette.”

“Aywan ba. Kanina pa ito. Para bang may nagmamasid sa atin.”

“Natingnan mo na ba lahat mga tao dito?” tanong ni Arturo.

Nagpalinga-linga si Nanette.

“Wala naman akong makitang kakilala.”

“O baka ang nagmamasid sa iyo ay hindi mo pa kilala. Baka ... nagagandahan lang. Kasi ang ganda mo naman talaga.”

“Si Arturo talaga. Huwag mo nga akong masyadong paangatin. Anyway, mag-enjoy na lang tayo sa pagkukuwentuhan kaysa mag-alala.”

Inggit na inggit naman si Lucifereo dahil si Arturo ay napakalapit kay Nanette. Pero siya ay napakalayo, nagtatago pa.

Napatingin siya sa nagsisilbing waiter kina Nanette at Arturo. Matangkad at guwapo ito. Kaedad lang nila.

Inabangan niya ang waiter sa isang hindi mataong lugar.

Hinarap niya ito.

“Sir?” Nagulat at ta­kang-taka ang waiter.

Bumulong ng orasyon ang prinsepe ng kadiliman.

Latin na orasyon.

Makikitang agad parang nahihipnotismo ang waiter.

“Umalis ka dito sa restaurant. Sa likod ka dumaan para hindi ka makita. At bukas ka na babalik dito. At wala kang matatandaan mula sa mga sandaling sinalubong kita at binigyan ng hipnotismo.”

Parang robot ang ­waiter na inilagay ang bitbit na tray sa isang tabi. Saka ito naglakad papuntang back exit.

At tuluy-tuloy na luma­bas, lumayo.

Napangiti si Lucifereo. Nag-orasyon uli.

Sa isang iglap napalitan ang kanyang napa­kaguwapong mukha at perpektong pangangatawan.

Napalitan ng buong itsura ng waiter na umalis. Pati uniform na suot ng waiter ay iyon na rin ang suot ni Lucifereo/waiter.

ANG malupit pa na parang wala lang pakialam ang prinsepe ng mga demonyo ay habang naglalakad na tila robot ang waiter, nabundol ito nang mabilis na sasakyan sa kalsada.- ITUTULOY

Show comments