Nakipag-flirt din sa iba

Dear Vanezza,

Gusto ko pong ihingi ng payo sa inyo ang pinagdaraanan ko ngayon. Hindi ko na po kasi alam kung paano itutuwid ang aking kamalian. Nagkasamaan kami ng loob ng aking asawa dahil inusig ko siya sa kanyang pakikipag-flirt sa ibang babae. At para maibalik ang sakit, nakipag-flirt din ako sa ibang lalaki. Sa pag-aakalang kapag nasaktan siya titigilan na niya ang kanyang kalokohan. Pero lumala ang sitwasyon. At ngayon ay nanganganib na tuluyang mawasak ang aming pagsasama. Lumayo na ang loob niya sa akin at naghahamon na siya ng hiwalayan. Hindi ko po kayang mawala siya sa buhay namin ng mga anak niya. Ano po ang dapat kong gawin para ibalik sa ayos ang lahat? - Esme

Dear Esme,

Gaya ng kasabihan, ang mali ay hindi kailan man maitutuwid ng isa pang pagkakamali. Ang maliit na ningas sa pagitan ninyong mag-asawa ay pinagliyab mong tulu­yan. Kung mainit pa sa galit ang iyong asawa, mag-menor ka muna. Kapag kalmado na ang sitwasyon ay saka mo siya sikaping amuhin at kausapin ng mahinahon. Nagkamali ang iyong asawa nang makipag-flirt sa iba, pero mas mali ang ginawa mong pagganti para pasakitan siya. Sikapin mo na makapag-usap kayo ng mabuti, alang-alang sa inyong mga anak. Naniniwala ako na kapag kapwa kayo naliwanagan ay maaayos din ang lahat. Ipagdasal mo ang iyong asawa, maging ang iyong sarili at ang kapakanan ng inyong pamilya.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments