Nakulong dahil sa gf

Dear Vanezza,

Ako po’y nakulong dahil sa sobrang pagmamahal ko sa aking nobya. Napatay ko po ang taong nagtangkang gumahasa sa kanya. Tinangka rin niya akong patayin dahil sa pagpipilit kong ihanap ng hustisya ang tangkang pangmomolestiya niya sa aking nobya. Kaysa ako ang burahin niya sa mundong ibabaw, minabuti ko nang idepensa ang aking sarili sa maitim niyang balak. Pero sa matagal kong pagkakakulong, hindi man lang ako nakakuha ng simpatiya sa aking nobya. Kahit minsan hindi pa niya ako dinalaw. Pero tinanggap ko na ang sitwasyon sa pagitan namin. Maging ang posibilidad na mayroon na siyang iba. Ang tanging inaasam ko ay makalimot ako sa mapait kong karanasan. Sana’y mabasa ng aking gf ito at malaman niya na wala na akong hinanakit sa kanya at napatawad ko na siya. - Marc

 

Ginawa mo ang inaakala mong nararapat sa pagkakataong iyon para ipagtanggol ang iyong sarili at nobya. Pero sa isang dako, dapat sana’y pinairal mo ang kahinahunan at ipinaubaya ang hustisya sa mga awtoridad. Hindi ko gustong hatulan kaagad ang nobya mo sa hindi niya pagbisita sa iyo. Maaaring natatakot siya na may mangyari sa kanyang hindi maganda mula sa mga kaibigan at kapanalig ng napatay mong nagtangka sa kanya. Maaari rin namang nagbago na nga siya at nakatagpo na ng ibang mamahalin. Pero napatawad mo na siya kaya mabuting kalimutan mo na lang ang nobya mo at makakahanap ka naman ng ibang higit na magmamahal sa iyo. Magsilbing aral na ang iyong karanasan at sikaping mamuhay ng matiwasay at magbagong buhay.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments