Eat Bulaga, wala nang pag-asa?!

Lumabas sa mga pinagkakatiwalaang survey firm, at hindi iyang mga social media post lang ng mga alam mo namang mga pralala lang ng networks na ang nanguna pa rin sa rami ng audience noong Sabado ay ang TVJ sa TV5. Talagang pinanood pa rin ng mga tao ang original, at may pinatunayan sila, hindi sila ang nakipag­paramihan ng artistang guests, hindi rin sila namigay ng pera sa mga istambay, hindi rin sila maingay masyado, pero nasa kanila pa rin ang suporta ng publiko na hawak nila sa nakaraang 44 na taon na. Napatunayan nila na ang kanilang show ay self contained, ibig sabihin kahit na ang Dabakads lamang, tatakbo ang kanilang show at hindi bibitaw ang audience sa kanila.

Eh iyan namang Eat Bulaga, mula sa rating na 7%, bagsak na ngayon, bukod pa nga sa naglalayasan na ang sponsors, ano pa nga ba ang  kanilang inilalaban? Naniniwala pa ba silang aangat sila kina Betong Sumaya at Buboy Villar? Aangat pa ba sila kahit na sabihing sila ang Eat Bulaga, ganoong ang tingin naman ng mga tao ay “poor imitation” sila dahil hindi naman sila ang original?

Number 1 pa rin ang TVJ, kahit na self contained lang ang kanilang show, number 2 pa rin ang It’s Showtime, at ang bottom holder na pinanood pa rin ng mga naaawa sa kanila iyong Eat Bulaga ng mga Jalosjos, na kung iisipin mo masarap panoorin, kasi walang commercial.

Mga kaibigan ni awra, natameme?!

Tameme na kayo ngayon nang ilabas noong bar mismo ang kuha ng CCTV sa totoong nangyari kaya nagkaroon ng gulo matapos na tumanggi ang lalaki na maghubad ng pantalon sa harap ni Awra Briguela. Nagulat din kayo kung paanong nilait pa niya ang mga pulis habang nasa presinto na siya at sinabihan pa iyong isa na walang kuwenta ang pamilya ng mga iyon kung itatapat sa mga Briguela.

Noong lumabas ang mga video, natameme na sila, at nasaan ang ebidensiya ng sinasabing hinipuan diumano ng mga lalaki ang kasama niya. At bakit siya ang mananapak? Bakit hindi nila isinumbong sa bouncers o nagpatawag ng pulis at nagreklamo na siyang gagawin ng isang matinong tao. Eh mas mukhang matino iyong sinasabi niyang nanghipo kaysa sa kanya eh. Kung ipinagtatanggol lang niya ang kaibigan niya dahil hinipuan diumano, paghuhubarin naman niya ang lalaki sa harap niya? Saan ang nakitang hipuan sa CCTV, at walang nangyaring ganoon sabi ng bouncer na sinapak din ni Awra.

Walwal iyong si Awra. Lasing na lasing kaya nanggulo. Iyan ba ang image na gustong ipinta ng mga LGBTQIA sa kanilang sarili, na basta nalasing sila kailangang pagbigyan mo ang gusto nila para hindi magkagulo?

Kung hindi siya nagwala, hindi siya aarestuhin. Kung hindi nasaktan pati ang mga pulis na umaawat lang, hindi siya lalagyan ng posas. Intindihin natin ang issues, walang gender issue diyan, ano ang gusto nila basta mga bakla untouchable?

FDCP at Regal, magsasanib-puwersa para sa film restoration!

Maganda iyang project ng Film Development Council of the Philippines na nakipag-collaborate sa Regal para mai-restore ang dalawang klasikong pelikula, ang Sister Stella L. ni Mike de Leon at ang Relasyon ng national artist na si Ishmael Bernal. Parehong ang Star for All Seasons na si Vilma Santos ang bida sa dalawang pelikulang iyan.

Napakagastos ng film restoration. Mas mahal pa kaysa sa gumawa ka ng bagong pelikula, at para sa isang kumpanya na kagaya ng Regal, ano pa ba ang pakinabang ng isang lumang pelikula? Hindi na nila mababawi ang restoration cost. Ginawa iyan ng ABS-CBN dahil may network sila, may cable channel sila na makikinabang sa restored films tapos nagbebenta pa sila ng video. Isa pa, tax shelter iyan dahil sa laki ng kinikita ng kanilang network noon. Eh ngayon na walang prangkisa ang ABS-CBN, ano na ang nangyari sa restoration nila?

Noong araw, naging project na iyan ng gobyerno noong mayroon pang Experimental Cinema of the Philippines (ECP), pero nang mawala ang mga Marcos at isinara ang ECP ng mga walang pagpapahalaga sa pelikula, natigil iyang restoration at pag-a-archives ng mga pelikula natin.

Maski nga iyong Klasikong Korea na ang istorya sinulat ni Ninoy Aquino hindi nila ipina-restore eh. Buti sinisimulan na iyan ng FDCP, walang makagagawa niyan kung hindi tutulong ang gobyerno. Iyan ang dapat na ginagawa talaga ng FDCP at hindi iyong puro festival ng mga pelikulang indie na hindi naman kumikita at puro sila abono. Pera iyan ng bayan, dapat makinabang ang bayan, hindi ang mga kaibigan lang ng mga nakaupo o para masunod lang ang kanilang mga trip at ambisyong talo.

Show comments