Contestants sa PBB at Starstruck kapos sa ‘star factor’?!
ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pang-masa) - July 9, 2019 - 12:00am

Natatandaan namin noong araw, hindi pa tapos ang Pinoy Big Brother, sikat na sikat na si Sam Milby. Natatandaan namin noon, sa isang maliit na theme park sa Quezon City kung saan nagkaroon ng show ang PBB, sumugod ang napakaraming tao na ang hinahanap ay si Sam. Hindi lang si Sam, natatandaan ba ninyo ang masyadong naging kontrobersiyal noong si Uma Khouny? Hindi pa tapos ang contest sikat na sila.

Ganoon din naman iyong Starstruck. Tumatakbo pa ang contest, may fans na si Rainier Castillo, na noon kung sabihin nila ay mukhang isa sa mga member ng F4 o iyong mga Chinese stars na sumikat sa isang serye. Pinag-uusapan na rin ang magaling sumayaw na si Mark Herras.

Kaya lang naman namin nabanggit iyan, kasi napansin naming sa ngayon parang hindi pinapansin ng mga tao ang mga talent search. Walang pumuputok na mga contestant. Mukhang dahil sa rami nang nagawa nilang talent search, mga latak na lang ang kanilang nakuha. In fact, ang iba riyan nanggaling na rin sa ibang contests.

Nakakainis, pinanonood namin iyong Studio 7, ngayon hindi na namin mapanood dahil masyadong gabi na, wala naman kaming nakikitang exciting doon sa Starstruck nila. Iyon namang Pinoy Big Brother, nakakasawa na iyong labas pasok nila doon sa lumang bahay sa kanto ng Albano.

Parang may kulang doon sa kanilang mga talent search ngayon. Parang iyong mga baguhan na isinasali nila ay hindi nakakatawag pansin. Mahahalata mo, iyong mga pinag-uusapan lalo na sa social media ay pilit na pilit. Kasi pinag-uusapan sa social media lang, pero doon sa mga taong nakakausap mo at nakakasalubong sa kalye, hindi nila alam. Iyon ang sukatan namin, ang sinasabi ng mga taong hindi naaabot ng kanilang mga “pralala”.

Anak nina Drew at Iya hirap sa hand foot and mouth disease

Humingi ng dasal para sa kanyang anak na si Primo si Iya Villania. Si Primo ay nagkaroon daw ng HFMD o Hand Foot And Mouth Disease. Iyan ay nakukuha sa isang virus at ang karaniwang nagi­ging biktima ay mga batang wala pang limang taong gulang. Lalagnatin sila, tapos magkakaroon na ng rashes sa kamay, paa, paligid ng bibig, at kung minsan hanggang sa lalamunan kaya sila nahihirapang kumain.

Makati iyan, kaya kung nakakamot ng bata, nagsusugat pa. Ang masakit pa, ang sakit na iyan ay nakakahawa at maaaring tangay ng hangin. Wala talagang eksaktong gamot sa sakit na iyan. Lumilipas din naman matapos ang ilang linggo, pero talagang pahirap sa bata.

Sana nga gumaling na agad si Primo.

Ciara mag-aasawa na uli

Mukha ngang hindi na tayo dapat magulat kung ilang panahon mula ngayon, maririnig na lang nating mag-aasawa nang muli si Ciara Sotto. Hayag na namang may boyfriend siya. Annulled na rin naman ang kasal niya sa naunang asawa. Ang sinasabi ni Ciara, parang mas ok daw iyon habang maliit pa ang kanyang anak at wala pang masyadong pagtatanong na ginagawa.

Mas magiging madali para sa bata ang adjustment just in case. Kung iisipin mo, may katuwiran naman siya, dahil kung malaki na ang kanyang anak at saka siya mag-aasawang muli, matatanong pa iyan sa school, mas marami siyang kailangang gawing pagpapaliwanag kung bakit nangyari nga ang ganoon sa kanilang buhay.

PINOY BIG BROTHER
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with