Isko Moreno, Vico Sotto
Political dynasty nabasag!
ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pang-masa) - May 15, 2019 - 12:00am

Dalawang personalidad ang sinasabing tumapos sa panahon ng mga dynasties. Tinalo ni Mayor elect Isko Moreno ang dating presidente at mayor na si Joseph Ejercito Estrada, na ang political career ay tumagal nang mahigit na 50 taon at pansamantala lamang nawala nang makulong siya sa kasong plunder na isinampa laban sa kanya.

Hindi lang si Erap ang natalo, hindi rin nakapuwesto ang kanyang apong si Janella Estrada na tinalo ni Mayor elect Francis Zamora, na siyang tumapos din sa 50 taong paghawak ng angkang Ejercito-Estrada sa lungsod ng San Juan, na naputol lang nang manalo nang minsan si Adolfo Sto. Domingo at nang palitan siya ni Rey San Pascual na inilagay ni dating Presidenteng Cory Aquino bilang OIC nang alisin noon lahat ng elective officials matapos magdeklara ng revolutionary government.

Mukhang tagilid din bilang senador si JV Ejercito matapos na mailabas ng transparency server ng COMELEC ang 95% ng mga boto, at balibag na rin si dating senador Jinggoy na mas mababa ang boto.

Hindi rin naka-score si ER Ejercito na muling tumakbong gobernador ng Laguna. Maging si Gary Estrada na tumakbong vice mayor sa Cainta, tinatalo rin ni Ace Servillon sa huling tally.

Sa kabilang banda, hindi naman siguro siya artista, pero lumabas na siya sa isang episode ng Kalye Serye noon ng Eat Bulaga, na inaway agad ng AlDub dahil takot talaga silang may ibang ma-link kay Maine Mendoza, pero ngayon mayor elect na rin si Vico Sotto, anak nina Vic Sotto at Coney Reyes na tumapos din sa 27 taong pamamayani ng pamilya Eusebio sa Pasig.

Mabigat iyan para sa 29-year-old na si Vico, dahil nariyan sa Pasig ang isang malaking financial district, bukod sa mabigat ding problema ng traffic at pagbabaha.

Nalampaso rin sa Pasay si Chet Cuneta, kahit na ikinampanya pa siya ng kapatid niyang si Sharon Cuneta, na nakikiusap sa mga taga-Pasay na “Pagbigyan po ninyo si Kuya kahit isang term lang”. 50 taon ding hawak ni Mayor Pablo Cuneta ang Pasay. Minsan lang siya tinalo ni Jovito Claudio, at pinalitan din ng OIC ni Cory. Pero hindi na naka-score ulit ang mga Cuneta simula noon. Malaki ang lamang ng kongresistang si Calixto Rubiano kay Cuneta. Hindi ikinampanya ni Kiko Pangilinan ang kanyang bayaw, dahil masyado siyang busy sa Ocho Derecho.

Magaang na nanalong congresswoman si Vilma Santos sa Lipa, pero bumalibag din ang tatay ni Luis na si Edu Manzano sa San Juan. Minsan siyang naging vice mayor ng Makati, tumakbo sa iba’t ibang posisyon kabilang na ang vice president, senador, at mayor, pero hindi na nanalo minsan man si Manzano.

Nakabalik na rin sa senado, bagama’t hindi pa opisyal, ang action star na si Lito Lapid.

Marami pang ibang artistang nanalo sa eleksiyon. Iba’t iba nga lang ang posisyon at saka nasa probinsiya kaya hindi pa nakakarating ang balita dito sa atin kung proklamado nga ba sila.

Dito sa amin, Mayor na si Joy Belmonte. Panalo na rin ang anak ni Tito Sen na si Gian Sotto. Naging magaan din naman ang panalo nila sa Quezon City, kaya nga sinabing maluwag sa loob na magre-retire na ang hindi na rin tumakbong si Mayor Herbert Bautista, na noon pa man gusto na munang magbakasyon sa pulitika at baka mag-showbiz na raw siya ulit dahil mas malaki ang kita.

Pero natutuwa kami at natapos na rin iyang eleksiyong iyan, at mukhang magbabalik na rin sa normal ang showbiz. Aba eh noong panahon ng kampanya lahat halos ng kandidato nakasiksik sa showbiz eh. Ngayon naman titigil na ang mga iyan. Mapapansin na naman nila ang showbiz sa 2021.

ISKO MORENO VICO SOTTO
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with