Nagpasalamat hindi nawalan ng trabaho sa pagiging deboto Coco kinantahan ang Nazareno!
ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pang-masa) - January 11, 2019 - 12:00am

Buong maghapon, wala nang pinag-usapan kung ‘di ang ginawang Tras­lacion. Maghapon at magdamag ang coverage sa radyo at telebisyon. Natural lang naman iyon dahil papaano nga ba ang gagawin mo sa isang okasyon na dinaluhan ng tinatayang dalawa’t kalahating milyong tao. Kung isasama raw ang tao doon sa simula ng prusisyon ng mga replica, mga apat na milyong tao iyon.

 

Pero ang nakatawag sa aming pansin ay nang makita namin si Coco Martin doon mismo sa Luneta, kung saan siya sumulpot pagkatapos ng misa at habang nagpapahalik. Kumanta pa si Coco, at bukod doon ay nagsabing siya raw ay isang deboto ng Nazareno.

Simula raw noong una, wala siyang hinihiling sa Nazareno kung di magkaroon naman siya ng isang magandang trabaho, hindi lamang para sa kanyang sarili kung ‘di para sa pamilya na rin niya. Sinabi rin niya na simula noong 2007, hindi na siya natigil sa trabaho. Kaya nga iyon ay patuloy pa rin niyang ipinagpapasalamat sa poong Nazareno.

Si Coco kasi ay isang Kapampangan, at doon sa kanila may malakas na debosyon din sa tinatawag nilang “Apung Mamacalulu”, na ibig sabihin ay “maawaing ama”, na actually ay isang imahen ng tinatawag naman nating Santo Entierro, o Santo Sepulcuro. Siguro dahil na rin sa nakagisnang mga debosyon sa kanilang bayan kaya naman siya nasama sa debosyon din sa Nazareno.

Kanya-kanyang paniniwala iyan. Papaano nga ba ninyong masasabing nagkakamali siya sa kanyang debosyon eh siya mismo ang nagpapatunay na simula pa noong 2007 ay hindi na siya natigil sa kanyang hinihiling na trabaho.

Kuya Germs sa Nazareno rin umasenso

Naalala tuloy namin si Kuya Germs (German Moreno), isa iyan sa kanyang mga paboritong kuwento. Noong araw daw kasi para makatulong sa pamilya, nagtinda siya ng sigarilyo sa kalye. Eh lagi naman silang hinahabol ng mga pulis, dahil bawal nga ang vendors sa kalye.

Tuwing madadaan daw siya sa simbahan ng Qu­ia­po, ipinagdarasal din niyang sana ay makapasok naman siya sa trabaho, “kahit na janitor lang”. Madalas natatawang kuwento ni Kuya Germs, ibinigay sa kanya ang kanyang kahilingan.

Napasok siyang janitor sa Clover Theater, at doon naman nagsimula ang lahat ng kanyang mga pangarap. Naging telonero siya, hanggang sa ma­ging artista nang hindi sinasadya.

Mahal na Araw at may Senakulo sa Clover. Hindi nakarating iyong dapat na gumanap na Kristo. Tinawag daw siya ni Don Jose Zara at siya ang pinalabas na Kristo. Doon nagsimula ang kanyang acting career.

FPJ namanata rin

Natatandaan namin, may panahon ding nakikita namin sa prusisyon sa Quiapo ang hari ng pelikula, si Fernando Poe, Jr. Kagaya ng karamihan, naka-kamiseta lamang siya, may tuwalyang nakasabit sa leeg at naka-yapak na naglalakad.

Si Mang Dolphy noon, madaling araw kung magsimba sa Quiapo.

Maraming mga artista simula pa noon, at maski naman ngayon na deboto ng Nazareno, at kung doon nila nakukuha ang mga biyayang kanilang hinihingi, bakit nga ba hindi?

Mayroon pa ngang sumasampa sa andas mismo ng Nazareno. Kami mismo nakita namin ang lakas ng loob ng singer-actress na si Angeline Quinto nang gawin niya iyon. Idagdag pa natin ang broadcaster at dating vice president na si Noli de Castro, na bumubuhat talaga sa Nazareno kagaya ng mga karaniwang mamamasan kung pista.

COCO MARTIN
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with