Boses ni Nora malabo nang makabalik?!

Nora Aunor

May isang matagal nang usapan, in fact kung ilang taon na pero mukhang wala namang nangyayari. Pabalik-balik lang ang mga usapan. Ang sinasabi namin ay iyong tungkol sa diumano ay pagpapa-opera ni Nora Aunor sa doctor ni Julie Andrews sa U.S., madalas ding mabanggit si Julie Andrews pero hindi nababanggit ang sinasabing doctor niya.

Ang doctor na sinasabing nag-opera kay Julie Andrews ay si Dr. Steven Zietel ng Massachusetts, na sinasabing naglagay sa lalamunan ni Julie ng synthetic gel na siyang ipinalit o ipinatagpi sa kanyang nasirang vocal chords. Si Dr. Zietel ay isang kinikilalang ENT specialist. Hindi nababanggit na si Dr. Zietel din ang nag-opera kay Adele na kinakitaan ng polyps sa kanyang lalamunan. Noong manalo ng Grammy si Adele ay pinasalamatan niya si Dr. Zietel na siyang gumamot sa kanya.

Ang nangyari kay Julie Andrews ay isang experiment sa isang synthetic vocal chord replacement na ginawa ng mga scientists, na pinamunuan naman ni Robert Langer. Ang gel na kanilang inimbento ang sinasabing isasaksak sa voice box ni Julie Andrews para mai-restore ang nasirang voice box. Pero pagkatapos ng operasyon wala namang sinabing nakakanta ulit si Julie Andrews.

Noon kasi ay 74 years old na rin si Julie, at sinasabing maibalik man ang kanyang voice box, hindi na siya makakakanta ng Sound of Music. Iba naman ang boses ng isang 74 year old, sa edad niya noong gawin niya ang klasikong pelikula

Kaya ang tanong nga, maibabalik ba ni Zietel ang boses ni Nora Aunor ngayon na ang edad niya ay 65 years old?

Halos lahat ng mga ENT specialists na aming nakausap ay nagsabi sa amin na gamitan man si Nora ng sinasabing synthetic gel na iyon, maisasauli nga ang kanyang vocal chords pero iba na rin ang boses niya dahil sa kanyang edad.

Palagay namin iyon din ang pumipigil kay Nora kaya hindi siya makapagpa-opera. Isa pa ang financial problems dahil hindi naman malaki ang kita niya sa ngayon. Siguro wala na rin ang ibinigay na isang milyon ni Boy Abunda para sa kanyang operasyon, dahil sinasabi ngang ni hindi kakasya iyon sa bayad kay Zietel, puwera pa ang ospital at gastos sa biyahe.

Kaya iyang sinasabing operasyon na iyan, parang malabo na.

Darren at JK misguided sa awayan ng kabadingan

Bakit nga ba kailangang dalhin pa sa social media ang awayan nina Darren Espanto at JK Labajo tungkol sa kanilang “bakla issue”?

Iyon pala nakarating na naman sa management at mukhang inayos na. Kung hindi sila nagsagutan pa sa social media, sana natabunan na ‘yan.

Iyan ang sinasabi naming “misguided” na ugali ng ilang artista natin. May awayan, sa halip na ayusin nang matahimik, dinadala nila sa social media. Nagbabalitaktakan sila. Lalong lumalaki ang problema. Iyan ay maling handling ng publisidad.

Ang ibang mga artista ngayong bago hindi napapangaralan kung papaano nila dapat na i-handle ang kanilang publisidad? Ang mga artista noong araw, ingat na ingat sa pagbibigay ng statement dahil maaaring makasama sa kanila kung ano man ang kanilang sasabihin.

Kagaya niyan, napaka-cheap na issue iyong pagtatalo tungkol sa kabaklaan. Hindi na dapat lumabas pero sila mismo ang naglaban sa kani-kanilang mga social media accounts.

Maiiwasan mo ba ngayon na iyan ay mapag-usapan, eh binuksan nila ang issue na dapat sana ay personal na lamang para mapakialaman ng publiko.

Show comments