Tele-movie ng AlDub ‘di raw bagay sa noontime!

Akala namin kung saan ipapalabas iyong tele-movie na ginawa nina Alden Richards at Maine Mendoza. Iyon pala ilalabas iyon kapalit ng ilang segments ng Eat Bulaga. Marami ang nagulat sa nangyaring iyon, dahil iyong mga nanoood ng noontime show, ang inaasahan nila ay isang masiglang game show ang kanilang mapapanood, pero sa halip nga ay isang love story ang ipinalabas.

Iyang mga ganyang oras, para iyan sa easy viewing eh. Iyong kahit na kumakain ka o hindi, nakapako sa telebisyon ang paningin mo, alam mo ang nangyayari dahil sa naririnig mo lamang. Kaya nga ang karamihan sa mga nanonood sa ganyang show, iyon bang pasulyap-sulyap lamang sa TV.

Eh dahil ang inilagay nila ay isang love story, hindi puwede iyon. Kailangang panoorin mo talaga. Eh kami nga, palibhasa may ginagawa rin kami, hindi maiintindihan iyon kung hindi kami naka-concentrate sa TV. Kaya ang ginawa namin, lumipat na lang kami ng channel. Ilan kaya ang naging kagaya namin ang reaksiyon? Iyan kasing tele-movie, dapat inihanap nila ng ibang oras. Ipinasok nila iyon sa isang show na iba ang market. Comedy at games ang hanap sa kanila ng tao ng ganoong oras, hindi drama.

Malamyang aktor nanuhog ng magkapatid!

Ang tindi rin naman pala ng malamyang matinee idol na iyan. May magkapatid na male models na nagkabistuhang pareho pala silang idine-date ng malamyang matinee idol. Pareho rin ang pangako sa kanila na isasama sila sa kanyang teleserye. Hindi na namin inalam kung papaano nagkabukuhan ang mag-utol, pero ang nangyari nga raw, pareho na lang silang umiwas sa malamyang matinee idol.

Donna at Mikee bumulaga sa concert ni Regine

Si Regine Velasquez ang dahilan ng matinding traffic noong Sabado ng gabi na umabot talaga hanggang sa dulo ng EDSA. Dahil daw iyon sa rami ng sasakyang papunta sa kanyang concert. Doon sa labas ng Arena, napakaraming tao pang nakatayo, naghihintay ng pagkakataong may umayaw na manood at makakuha pa sila ng tickets pero mukhang wala ring nangyari, dahil mukhang lahat ng may tickets ay gustong mapanood ang 30th anniversary concert ni Regine.

Sa loob, punung-puno ang arena. May mga kaibigan nga kaming nanood din, pero ni hindi namin nakita sa rami ng tao. Magaganda ang numbers, at ano pa nga ba ang aasahan mo eh Regine Velasquez iyan, at talagang pinaghandaan naman nila ang concert na iyan. Pero sa totoo lang, ang nagustuhan naming number ay iyong trio nina Regine, Donna Cruz, at Mikee Cojuangco na kinanta ang theme song ng kanilang pelikula noong Do Re Mi, na bukod sa naging hit song, naging malaking hit din ang pelikulang iyon. Bukod sa tatlo, nakasama pa nila sa number ang anak ni Regine na si Nate, na totoo pa lang nakakakanta na rin.

Para doon sa mga pamilyadong tao, malaking bagay iyong pagkakasali ni Nate. Alam naman ninyo ang mga pinoy, talagang mahilig sa mga bata.

Ang isa pang pinagkakaguluhan ng mga tao ay ang commemorative album na inilabas din kaugnay ng 30th year ni Regine. Pero mahirap sumiksik doon and for sure ilalabas din naman iyan sa mga record bars.

Show comments