Derek lalayasan na rin ang TV5?!

MANILA, Philippines – Wala talagang kapanatagan ang buhay sa showbiz. Noong magbukas ang TV5 para sa mga artista, halos lahat ay nataranta. Para bang bawat isa ay gusto agad lumipat sa Kapatid Network. Nakakahanga lalo ang talent fee na halos doble kumpara sa ibang network.

Kahit ang malalaking artista ay naakit lumipat sa naturang istasyon. Nariyan ang Megastar na si Sharon Cuneta, Superstar Nora Aunor, Aga Muhlach, Willie Revillame, Robin Padilla, Derek Ramsay, at marami pang iba.

Subalit ngayon mapapansing dumadalang ang kanilang mga entertainment show hanggang sa tuluyang nawala na ang mga ito. Sa halip ay pulos basketball games, boxing at iba pang sports ang humahataw sa nasabing network. Huli naming nabalitaan na lilipat na raw si Derek sa ibang istasyon, totoo ba ito?

Well talaga yatang ganyan kahit sabihing mataas ang talent fee kung ikaw ay isang tunay na artista, still ang hanap mo ay exposure. Mahirap kasi sa lahat ay ang makalimutan ka ng mga tagahanga hanggang sa mabura ka na sa mundo ng showbiz.

Super Tekla bagong banta sa mga komedyante

Malaking banta sa mga komedyanteng napapanood ngayon sa mga comedy shows sa telebisyon ang komikerong taga-Mindanao, si Super Tekla.

Na-discover ni Willie Revillame si Tekla sa show ng una na Wowowin. Napansin marahil niya ang kakaibang style ni Tekla sa pagpapatawa na talaga namang may impact sa audience.

Ipinanganak siya sa Cotabato at lumaki sa Gen San kunsaan naging kapitbahay niya si Mommy Dionisia, ina ng Pambansang Kamao na si Sen. Manny Pacquiao. Sixteen daw sila sa pamilya at nangarap lang siya na makarating sa Maynila na ngayon ay ‘di lang basta natupad dahil napapanood na rin siya sa TV.

Tinanong siya ni Willie kung may boyfriend na ito, umiling siya dahil may isang anak na pala ito na sampung taong gulang na. Ngayong Pasko ay magkikita-kita sila ng kanyang anak at asawa sa Cotabato para pagsaluhan ang kanyang tinamong tagumpay. May potential sumikat si Tekla. Hindi siya katulad ng ibang ko­medyate na paulit-ulit lang ang joke.

Childstars na sina Krystal at Sabrina Man, nawawala

Nasaan na ba  ang artistang si Krystal Reyes? Bakit tila nawawala siya gayung magaling naman siyang umarte. Totoo kaya na umiiral ang favori­tism sa mga giant network? Naku, huwag naman sana. Paano kung hindi marunong mambola ang isang nag-aartista e di palaging bokya sa project.

Nawawala rin si Sabrina Man, ang bagets na cute noon sa GMA-7.

Sayang, maraming tagahanga ang humahanap sa kanya sa mga teleseryeng napapanood sa Kapuso network. Nasaan na rin kaya si Juan Rodrigo na kaliwa’t kanan ang teleserye noon?   

Show comments