Ningning makakahanap na ng cornea donor sa huling linggo ng show

MANILA, Philippines – Muling mangingibabaw ang pag-asa sa buhay ni Ningning (Jana Agoncillo) sa hindi inaasahang pagdating ng cornea donor sa huling linggo ng consistent top-rating weekday program.

Nakatanggap si teacher Hope (Ria Atayde) ng tawag na mayroon ng nahanap na potential cornea donor para kay Ningning at dali-dali nitong sinabi ang mabu­ting balita kay Ningning at Dondon na maaring sagot sa kanilang matagal ng kahilingan.

Kahit nalungkot si Ningning sa pagpanaw ni Peter, ang kanyang cornea donor, nagulat siya sa mabuting kalooban ng pumanaw na kaibigan dahil naisipan nitong maging donor niya.

Bumaha rin ng kasiyahan sa pamilya at mga kaibigan ni Ningning ng malaman ang tila milagro sa buhay ng bata.

Patuloy ang pagpapalaganap ng Ningning sa viewers na dapat laging maging positibo at huwag mawalan ng pag-asa sa buhay.

Noong nakaraang Linggo, nagsamasama ang buong cast ng Ningning para magbigay saya at magpasalamat sa kanilang mga taga-suporta sa Starmall Alabang. Nanguna sina Jana Agoncillo, John Steven de Guzman (Macmac), Sylvia Sanchez (Mamay), Ketchup Eusebio (Dondon), Nyoy Volante (Johnny), Vandolph Quizon (Otep) at Ria Atayde sa isang Maningning na Pasasalamat  kung saan nagpakitang gilas sila sa kanilang galing sa pagkanta at sayaw sa mga naghihiyawang fans.

Hinihikayat ng Ningning cast ang bawat Pilipino na maging instrumento ng pag-asa sa pamamagitan ng pag-pledge na maging cornea donor. Sa mga nais na makatulong sa mga taong may malubhang kondisyon sa mata tulad ni Ningning, pwedeng maging cornea donor sa pamamagitan ng Eye Bank Philippines. Para sa karagdagang detalye, pumunta lamang sa www.eyebankphil.org.

Magiging matagumpay kaya ang cornea transplant ni Ningning?

Show comments