Sam ayaw abusuhin si Jennylyn

Jennylyn

Sa totoo lang, may kilig factor ang tambalang Sam Milby at Jennylyn Mercado na first time nagsama sa pelikulang The PreNup under Regal Entertainment. Sa presscon held last Tuesday, nakakatuwang tingnan ang aktor na laging nakatitig sa leading lady at panay ang sabing maganda na raw si Jen, sexy pa at mabait.

Kaso, ang dinig nga namin ay natorpe raw si Sam na manligaw kay Jen habang ginagawa ang film especially noong nagsu-shoot sila sa New York.

Seven days din nag-shoot sina Sam and Jen sa NY kaya inurirat talaga nang husto ang aktor kung bakit hindi siya man lang nakaporma sa leading lady gayung napaka-romantiko pa naman ng lugar.

Ang sagot ni Sam, puro trabaho raw kasi ang nangyari while in New York kaya kahit dinner man lang ay hindi niya na-invite ang aktres.

Umagang-umaga raw sila magsisimula ng shooting at matatapos sila ng gabi na since hindi nga dapat magsayang ng oras dahil malaki ang gastos doon.

“It’s all work talaga, for seven days puro work so walang time. Nakakapag-usap lang kami kapag break, nagbibiruan,” ang paliwanag ni Sam.

Isa pang rason, ayaw daw niya kasing sabihin na porke’t may project sila together ay dapat nang ma­ging sila.

“Ako, I think na hindi dapat na parang just because may project, dapat maging kayo? Dapat sana, sa labas ng project ‘di ba? Pag wala nang project together.

“Pero ngayon, tapos na ang shooting namin together. So, tapos na. Tapos na, so…pwede naman. Pwede na ngayon kasi tapos na,” he said.

Halatang nagulat naman si Jen sa sinabi ni Sam at walang maapuhap sabihin. Pero napakabait naman daw ng aktor at kung manliligaw daw talaga ito, bakit naman daw hindi.

Ayon naman sa direktor na si Jun Lana, tuwang-tuwa raw siya sa dalawang artista niya dahil napakadali raw idirek ang mga ito at lahat ng hiningi niya ay ibinigay naman.

“Si Sam and Jen, from the very beginning, ‘yung chemistry nila, kitang-kita na, eh. Pictorial pa lang, hindi pa nagsu-shoot, kitang-kita mo na tatayo ang pelikula kasi ‘yung chemistry is important sa isang rom-com and it’s really a delight working with all of them,” sabi ni Direk Jun.

Sa pelikula ay may love scenes and kissing scenes sina Sam and Jen. Ayon kay direk, lahat daw ng levels ng halikan ay ginawa ng dalawa.

“May soft, may hard, may passionate, may todo,” say ni direk.

Ayon kay Sam, ang pinaka-favorite niya ay ‘yung pinakamahabang kissing scene.

Sa seven days nila sa New York ay marami raw silang napuntahang scenic spots and iconic locations na makikita sa movie. Halos nilibot daw nila ang buong NY at lahat ng pwedeng pagsyutingan ay pinuntahan nila.

“Definitely, ‘yung Central Park, and then sa Times Square na napakahirap mag-shoot dahil ang daming tao, sa Meatpacking District, Statue of Liberty, madami, eh, kahit ‘yung mga restaurant sa New York namin kinunan, hindi talaga kami nandaya,” say ni direk.

Kaya location pa lang daw ay nakaka-in-love na.

Showing na ang The Prenup sa October 14 at kasama rin sa movie sina Jacklyn Jose, Gardo Versoza, Freddie Webb, Ella Cruz, Dominic Ochoa, Melai Cantiveros at marami pang iba.

Samantala, sa presscon pa rin ay hindi nakaligtas si Jen sa mga tanong tungkol sa pagkakatanggal ni JM de Guzman sa Metro Manila Film Festival entry na Walang Forever na pagbibidahan sana nilang dalawa.

Ayon kay Jen, nalungkot at nagulat din daw siya sa nangyari.

“Siyempre, nalulungkot din ako dahil kahit paano, kababata ko ‘yun. Nag-shoot na rin kami for a day. Pero I think, wala naman ako sa posisyon para magsalita kung ano ba kasi kahit ako, hindi ko rin alam,” sabi ni Jen.

Magkababata sila dahil noong mga bata raw sila ay pareho silang nasa pa­ngangalaga ni Becky Aguila. Botique raw ang tawag niya noon sa aktor at hanggang ngayon, ito pa rin daw ang tawag niya.

May balitang natakot daw siya kay JM dahil sa mga ginawa nito sa shooting, how true?

“Hindi naman ako natakot. Basta maayos naman kami. Wala namang.. .a­yoko nang i-explain pa kasi wala namang naging problema.”

Si Jericho Rosales ang pumalit kay JM sa Walang Forever at nagkita na raw silang dalawa sa teaser shoot.

“Okay naman, masaya. At saka, iba naman, iba rin si Jericho.”

She added na masaya siya na nabibigyan siya ng oportunidad na makatrabaho rin ang mga Kapamilya stars at hindi puro Kapuso stars.

Show comments