Pekeng digital box nagkalat sa Quiapo!

Talaga nga kayang nangyayari na may mga prog­ramang sadyang sinisira para maapektuhan ang ra­tings? No comment kami riyan sa reklamo ng GMA 7 laban sa Sky Cable, kasi hindi naman kami doon naka-hook so ano man ang sinasabi ng iba ay hindi namin nararanasan.

Sa reklamo ng GMA 7 sa National Telecommunications Commission (NTC), sinabi nilang may mga nakukuha silang reports na basta simula na ng Eat Bulaga, o kalyeseryeng tampok ang AlDub, nawawala ang signal ng GMA 7 sa Sky Cable. Ang isa pang basehan nila ay ang mga lumalabas na reklamo sa social media na tumutukoy sa ganoon ding problema at sa kapareho ring cable provider. Hindi rin naman namin maintindihan kung bakit ganoon? Iyon ba ay para mapilitan ang kanilang subscriber na lumpat ng channel at panoorin ang show sa kabila? Palagay namin napakalaking risk noon, dahil malamang sa hindi, ang gawin ng tao ay magpalit ng cable service provider kung laging ganyan.

Ang isa pang magandang alternative ay gumamit na ng satellite link, kagaya ng Cignal. Wala kayong iintindihing mapuputol ang cable nila. Wala kasing cable iyan. Direct link kayo sa satellite, bagama’t sinasabi nila na affected naman ito kapag may bad weather. Pero minsan lang naman talagang masamang panahon. At saka kung my bagyong malakas, bagsak din naman ang mga poste at wala rin kayong cable.

Ang napansin namin talaga, ang pinauuso nga­yong digital box para sa telebisyon. Mayroong mga brand na kilala, na hindi rin nakukuha ang lahat ng channels. Mukha ngang ang malakas at maganda lang na signal ay ang mga channel nila. Pero ang iba ay nawawala rin.

Finally, nakakuha kami ng digital box sa Quiapo, sa may Raon. Isang libong piso lamang ang halaga nito at malaking kati­piran kaysa sa mahigit na dalawang libong karaniwan nating naririnig, at malinaw naming nakukuha ang lahat halos ng may digital broadcasts. Pati ang mga tinatawag na narrowcast ay nakukuha nang walang problema. Mayroon siyang 27 channels na nakukuha. Wala nga lang ang mga analogue hanggang ngayon kagaya ng PTV 4, RPN 9, at IBC 13.

(Tito may pinadala na pong sagot ng SkyCable tungkol sa isyu. Bilang sagot na rin sa lumabas na artikulo tungkol dito. Nasa pahina 5 po. - SVA)

Direk Ricky Rivero inatake sa puso

Inatake sa puso si Ricky Rivero. Director na siya sa telebisyon ngayon. Nakilala namin si Ricky noong bata pa lang siya at nakasama sa pelikulang Ninja Kids. Salvador din iyan. Pamangkin nina Ipe (Phillip Salvador) at ni Boss Mina.

Noong huli naming makita si Ricky, sinabihan pa namin siya na magbawas ng timbang dahil delikado talaga na malaki ang pangangatawan. Ganyan din ang nangyari sa amin kaya binigyan namin siya ng warning. Alam naman niya iyon at sinabi nga niyang unti-unti na nga siyang magda-diet.

Pero sa klase nga kasi ng trabaho niya sa telebis­yon, hindi lang diet eh. Puyat ang napakalaking bagay na nakakadulot ng atake. Anyway, nagkaroon nga siya ng atake sa puso, mabuti naman at naisugod agad siya sa ospital. Sumailalim na raw ito sa procedure para maalis ang bara sa kanyang puso.

Nabanggit din namin ito para sa aming readers. Hindi tama ang pagi­ging overweight. At kung may nararamdaman na kayong kakaiba - halimbawa ay sumisikip na ang inyong dibdib, at nahihilo na kayo, huwag na kayong mag-atubili pa. Magpunta na kayo sa ospital dahil mas alam nila kung ano ang dapat gawin sa inyo. Huwag ninyong isiping magtipid. Mas mahalaga ang buhay ninyo.

 

Show comments