Kris hindi nagpadaig sa kasal nina DongYan

Hindi na sumipot si KC Concepcion sa wedding reception nina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa Mall of Asia Arena dahil umuwi na siya ng bahay para sa paggunita sa kaarawan kahapon ng kanyang namatay na lola, si Mommy Elaine Cuneta.

Si KC ang cord sponsor sa church wedding nina Dingdong at Marian. Kapareha niya si Senator Bam Aquino na naloka yata nang marinig niya ang mga pang-ookray ko kay Kris Aquino.

Si Bam ang witness of honour nang sabihan ko si Tetay na huwag niya akong plastikin tulad nang kanyang ginawa kay AiAi Delas Alas nang magkita sila sa simbahan bago nagsimula ang wedding march.

Matagal nang plano ni Kris na makipagbati kay AiAi kaya may bitbit siya na peace offering nang dumating sa Immaculate Conception Cathedral.

Naghanap lang si Kris ng perfect time at nangyari ito sa kasal nina Marian at Dingdong.

Hindi nasolo ng bagong kasal ang limelight dahil nakipag-agawan ng space si Kris sa mga entertainment section. Pinag-usapan ang paggawa niya ng paraan na makasundo na si AiAi.

Nagkaroon ng hidwaan ang dalawa dahil hindi nakiramay si Kris kay AiAi nang mamatay ang biological mother nito noong December 2014.

Likas na mabuting tao si AiAi kaya tinanggap na rin niya ang peace offering ni Kris.

Isa na lang ang assignment na hindi natutupad ni AiAi, ang pagdalaw niya kay Senator Bong Revilla, Jr. sa PNP Custodial Center.

Naging close ang dalawa dahil si AiAi ang leading lady ni Bong sa kanilang hit comedy movie, ang Kapag Tumibok ang Puso.

Ipinaalaala ko kay AiAi ang pangako niya kay Bong at ang sabi niya, naghahanap lamang siya ng libreng araw biglang nagbakasyon sa Pilipinas ngayong holiday ang kanyang mga anak na US-based.

Babaeng naninira kay Bong pangiti-ngiti sa simbahan

May isang babae na smile nang smile sa akin habang nakikinig ako sa misa ng pari sa Immaculate Conception Cathedral.

At dahil feeling so polite ako ng araw na ‘yon, sa kabila ng mga pang-ookray ko kay Kris, nag-smile ako sa babae na binati pa ang burgundy gown ko na malayung-malayo ang kulay sa mga gown na suot ng ibang mga ninang.

Pauwi na ako ng bahay ng maalaala ko ang name ng babae na hindi ko na babanggitin dahil baka sumikat pa.

Siya ang babae na ginawa nang hobby ang paninira kay Bong Revilla sa social media. Dapat magpasalamat ang babae dahil hindi ko agad siya nakilala or else, tiyak na inirap-irapan at  pinagmalupitan ko rin siya. Pinagmalupitan daw o!

Marian pinakamaligayang babae

Pinakamaligayang babae sa balat ng lupa si Ma­rian Rivera noong Martes dahil bukod sa ikinasal na sila ni Dingdong, naging kumpleto ang kanyang pamilya.

Pagkalipas nang matagal na panahon, muling nagkasama ang ama at ina ni Marian, sina Francisco Javier Gracia at Amelia Delos Santos.

Nagsosolong anak si Marian ng kanyang mga magulang. May iba nang asawa ang nanay niya pero walang anak at may  kapatid  naman siya sa fatherside.

Ang lola ni Marian ang nagpalaki sa kanya dahil nagtatrabaho sa ibang bansa ang nanay niya.

Mahal na mahal ni Marian ang Lola Francisca niya kaya kasama ito sa paghahatid sa kanya sa altar.

Show comments