Alessandra parang miyembro na ng pamilya Eigenmann

Nagpunta ako kahapon sa “one day only celebration” para sa buhay ni Mark Gil sa La Salle Greenhills Chapel.

Bawal ang mga TV camera at bawal din ang paggamit ng mga cell phone camera dahil sa request ng pamilya ni Mark na maging pribado ang kanilang pagluluksa.

Nakita ko kung gaano ka-close sa isa’t isa ang Eigenmann family na personal na inasikaso ang mga nakikiramay sa kanila.

Natuwa ako nang magkita kami ni Rosemarie Gil dahil hanggang ngayon, hindi pa rin siya nagbabago at nakakalimot. Siya pa rin ang Rosemarie na nakilala ko noon na mabait at very accommodating.

Ipinaalaala ni Mama Rosemarie sa kanyang anak na si Cherie Gil ang closeness namin. Natawa ako sa dialogue ni Cherie na ang nanay pala niya ang dahilan kaya hindi ko inaaway ang mga Eigenmann.

Na-sight ko rin sa La Salle Greenhills ang anak ni Mark na si Sid Lucero.

Fresh from Singapore si Sid dahil nag-taping siya para sa mga eksena niya sa My Destiny ng GMA 7. Nagulat ako dahil malaki ang ipinayat ni Sid at ito ang resulta ng kanyang madalas na pagpunta sa gym.

Kasama ni Sid si Alessandra de Rossi na parang miyembro na rin ng pamilya kaya na-confirm ko na true ang balita na may relasyon sila ng anak ni Mark.

Hindi naman idine-deny ni Sid na girlfriend nito si Alessandra. Inamin ni Sid noon sa isang interbyu ang love affair nila ni Alessandra.

Buti bawal ang camera or else nakunan sana Greta TODO hagulgol nang dalawin ang abo ni Mark

Nagpang-abot kami ni Gretchen Barretto sa La Salle Greenhills Chapel.

Iyak nang iyak si Gretchen dahil sa pagkawala ni Mark. Kahapon ko lang nalaman na very close pala sa isa’t isa ang da­lawa.

Tama nga na ipinagbawal sa loob ng chapel ang mga TV ca­mera or else, tiyak na nakunan ang mga emosyonal na eksena.

High school classmates ikinuwento kung gaano kabait na kaibigan si Mark

Nakilala ko ang mga high school classmate ni Mark sa Greenhills.

Iisa ang kanilang mga sinasabi, mabait na tao, at mabuting kaibigan si Mark. Kung nasaan man si Mark, tiyak na maligaya siya sa isang araw na pagkikita at pagsasama ng mga tao na naging bahagi ng kanyang buhay.

Naulila ni Mark lalong nangayayat

Malungkot na malungkot si Maricar, ang naulila na misis ni Mark. Dati nang slim si Maricar pero lalo siyang pumayat nang magkita kami dahil dinamdam niya ang nangyari sa kanyang asawa.

Kumpleto ang mga anak ni Mark, sina Aira, Gabby, Stevie, Sid, at Maxine. Hindi ko napansin si Andi, ang anak ni Mark kay Jaclyn Jose dahil sa rami ng tao sa loob ng chapel.

Na-meet ko rin ang mga apo ni Mark na mga artistahin ang mga itsura. Maganda talaga ang lahi ng mga Eigenmann.

Bumaha ang mga pagkain mula sa mga tao na may mabubuting kalooban. Nagulat si Mama Rosemarie dahil sa pagdating ng mga  pagkain na napakarami.

Ang GMA 7 ang sponsor kagabi ng 7 p.m. mass at ang ABS-CBN ang sponsor ng 12 midnight mass.

Hanggang kaninang madaling-araw lamang ang pananatili ng mga labi ni Mark sa La Salle Greenhills Chapel.

Show comments