Kahit siya ang may kasalanan Kris hindi apektado sa panlalait kay Gov. Vi
STARTALK - Lolit Solis (Pang-masa) - July 3, 2014 - 12:00am

Hindi pa binubura ni Kris Aquino sa kanyang Instagram account ang card na ipinadala ni Batangas Governor Vilma Santos na naging dahilan para i-bash ang Star for All Seasons.

Baka may sariling dahilan si Kris kaya hindi niya inaalis ang screenshot ng card pero hindi ito ikinakatuwa ng mga tao at hindi lamang ng Vilmanians na nagkaroon sila ng hinala na sinadya na ilabas ang kopya ng card para magkaroon ng isyu na sasagutin.

Bayolente ang reaksyon ng mga tagapagtanggol ni Mama Vi dahil maganda ang intensyon nito pero siya ang pinutakti ng mga batikos dahil sa nagkamali na spelling.

Hindi mortal sin ang pagkakamali ni Mama Vi ‘no! Kung ang mga Amerikano nga, nagkakamali sa spelling at grammar, tayo pa kaya na mga Pilipino?

Nagkamali man siya sa spelling or whatever, hindi nito mababago ang katotohanan na mahusay na aktres at public servant si Mama Vi. Hindi mapapantayan o mahihigitan ng kanyang mga utak biya na detractors ang achievements niya bilang Star for All Seasons.

Heart umiiyak at lungkot na lungkot nang malaman ang sakit ni Sen. Miriam

 “I am beyond sad about the news. How do I work today?” ang reaksyon ni Heart Evangelista sa announcement ni Senator Miriam Defensor Santiago na may stage 4 lung cancer ito.

Parang second mother ang trato ni Heart kay Mama Miriam dahil ito ang instrument kaya nagkakilala at nagkaroon sila ng relasyon ni Senator Chiz Escudero.

Hindi nag-iisa si Heart na nalulungkot sa pasabog na balita ni Mama Miriam dahil apektado rin ang milyun-milyong Pilipino na bilib na bilib sa talino ng matapang na senadora.

Humihiling sila ng dasal para sa paggaling ni Mama Miriam na sasailalim sa chemotherapy sa susunod na anim na linggo para masugpo ang kanyang lung cancer.

Dalawang Mrs. Alcasid nagtatampisaw sa Indonesia

Bakasyon grande sa Bali Indonesia ang pamilya nina Ogie Alcasid at Regine Velasquez.

Kasama sa Bali vacation ang ex-wife ni Ogie Alcasid na si Michelle Van Eimeren, ang dalawang anak na babae nila at ang Australian husband ni Michelle.

Hinahangaan ang maganda at maayos na relasyon nina Ogie at Regine kay Michelle at sa mga anak nito. Magkakasundo sila  at magkakasama pa sa pagbabakasyon. Kung may Dalawang Mrs. Real sa telebisyon, may dalawang Mrs. Alcasid sa tunay na buhay, kahit annulled na ang kasal nina Ogie at Michelle na Mrs. Mark Morrow na ngayon.

Hindi naman nagpatalbugan sa pagsusuot ng swimsuit sina Michelle at Regine. Nagkataon lang na identical ang mga swimsuit nila habang nagtatampisaw sila sa swimming pool ng Bali resort na pinagbabakasyunan nila.

 Ang Bali vacation ang once-a-year out of the country trip ng mga Alcasid at kapag sinabi na Alcasid, kasama si Michelle at ang dalawang anak ni Ogie na naninirahan sa Australia.

AiAi at Tates hindi pa nagkikita

Hindi pa friends sina AiAi Delas Alas at Tates Gana, ang ina ng mga anak ni Quezon City Mayor Herbert Bautista.

Hindi pa nagkikita ang dalawa pero type nga raw ni Tates na maging kaibigan si AiAi na hindi nami-miss na tinatawag siya na friendship.

Hindi pa nagkakaroon ng chance na makilala nang personal ang babae na pinili na manahimik noong kainitan ng romansa nina Herbert at Kris Aquino.

May concert sina AiAi at Rico Puno sa Solaire Grand Ballroom sa July 26, ang Macho Gwapita. Puwedeng panoorin ni Tates ang concert para makilala niya si AiAi at siguradong masisiyahan pa siya sa antics nina AiAi at Rico Puno.

ALCASID ALL SEASONS KRIS AQUINO MAMA MIRIAM MAMA VI MICHELLE OGIE
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with