Aktor consistent sa pangliligwak

May bahid nga yata ng katotohanan ang paratang sa isang aktor na may ugali itong mangligwak ng mga dating nakatrabaho. May pagka-ungentleman din ito dahil kahit ang tisay na naging girlfriend sa nilayasang istasyon noon ay hindi niya inamin. Nagkaproblema rin siya sa manager bago lumipat.

Natiyempuhan ang aktor sa isang show kamakailan at pabirong natanong kung bakit may katunog ‘yung bago niyang show na isang show sa kabilang istasyon.

Ang tipong naging sagot ng aktor, “Nakaamoy yata sila. Natunugan.”

Ang dating tuloy ay parang pinagmumukha niyang nangopya pa ang kabilang TV network sa lalabasan niyang bagong show porke bagong lipat siya roon. Nagpapa-good shot ba ang aktor sa kanyang magandang napuntahan? Naging taklesa lang ba siya? O sadyang ugali na niyang manira pa sa una niyang pinagtrabahuhan kung saan siya mas nakilala?

Marami naman kasi siyang puwedeng isagot o maaari rin siyang umiwas sa tanong kung nag-isip lang siya. Eh kaso mukhang hindi siya nag-isip at baka ugali na nga niya ang ganun.

Deniece Cornejo inaakusahang peke ang ganda

Lumantad na si Cedric Lee at ipinagtatanggol na niya ang kanyang sarili matapos bumalandra ang kanyang pangalan sa media nitong mga nagdaang araw. Dinidepensahan din niya ang kanyang batang kaibigan, si Deniece Millinette Cornejo, na ayon sa kanya ay mas kaibigan ng ate niya.

Dahil sa kontrobersiyal na nangyayari ngayon sa negosyante ay mas nakilala pa siya ng publiko kesa noong sila pa ni Vina Morales ang magkarelasyon. Noong sila pa kasi ng singer-actress ay madalas lang nababanggit ang pangalan niya sa mga showbiz column at paminsan-minsan ay nakukunan sila ni Vina ng picture kapag may okasyon pero ngayon lang nagpa-interview sa telebisyon ng solo at mahaba si Cedric.

Nagka-idea na ang mga usisero’t usisera kung ano talaga ang kanyang hitsura at kung paano siya kumilos at magsalita.

Sa paglabas niya ay nakakita ng ibang anggulo ang mga nakakapanood. Nabaliktad na ang naging pahayag ni Vhong Navarro. At marami rin siyang akusasyon sa TV host-comedian na aminado siyang binugbog nila.

Mahaba-haba pa ang tatakbuhin ng kanilang kaso. Sana naman maimbestigahan ng maayos ang mga nasasangkot at magkaroon ng magandang kahihinatnan ang lahat.

Si Deniece Millinette Cornejo naman na dahil sa angking ganda at ugat ng pagkakapunta ni Vhong Navarro sa kanyang condo unit ay parang si Eba na nanakam at nanukso at pagkatapos ay nagkaroon na ng gulo.

Sari-saring panghuhusga na rin ang lumalabas patungkol sa kanya dahil sa mga pangyayari sa kanila ni Vhong. Paano ba raw sila “nagkaintindihan” ni Vhong? Paano siya naging kaibigan ni Cedric? O ng ate nito na parehong malayo ang agwat sa kanya na 22 years old lang?

Ang hitsura pa naman ni Deniece ay kahilera ng mga beauty nina Georgina Wilson at Isabelle Daza pero dahil sa kinasasangkutan niya ngayon ay nilalait siya na peke lang daw ang kanyang pagka-class at ganda.

***

May ipare-rebyu? E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com

Show comments