Gin Kings asam ang quarterfinals berth
MANILA, Philippines — Pupuntiryahin ng Barangay Ginebra ang quarterfinals spot sa pagsagupa sa kulelat na Terrafirma sa pagpapatuloy ng 2022 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Lalabanan ng Gin Kings (5-1) ang Dyip (0-6) ngayong alas-6 ng gabi target ang ikaapat na sunod na ratsada para muling makasosyo sa liderato ang San Miguel Beermen (6-1).
Nagmula ang Ginebra sa 105-89 paggupo sa Converge (2-5) noong Biyernes kung saan sinimulan ni assistant coach Richard Del Rosario ang pagsalo sa naiwang trabaho ni head coach Tim Cone.
Ang 24-time PBA champion mentor na si Cone ay kasalukuyang miyembro ng coaching staff ng Miami Heat sa NBA Summer League.
“I’m just going to enjoy the moment. I’m thankful dahil hindi lahat nabibigyan ng opportunity,” sabi ng 51-anyos na si Del Rosario sa pamamahala niya sa ‘never-say-die’ team.
Nakalasap naman ang Terrafirma ng 86-114 pagyukod sa nagdedepensang TNT Tropang Giga (7-2) noong Biyernes.
Sa unang laro, pansamantalang igigiya ni assistant Ronnie Magsanoc ang Meralco (3-3) sa pagharap sa Rain or Shine (1-5) sa alas-3 ng hapon dahil sa pagbisita ni coach Norman Black sa kanyang may sakit na ina sa US.
“Whenever you lose, it’s a big concern because you’re going down within the standings. Now we’re 3-3,” wika ni Black matapos ang 89-90 kabiguan ng Bolts sa Blackwater Bossing (4-1) noong Huwebes.
Nahulog naman ang Elasto Painter sa limang dikit na kamalasan.
- Latest