PBA D-League magbabalik sa Hulyo 7
MANILA, Philippines — Matapos ang ilang taon na pahinga dahil sa pandemya, magbabalik-aksyon ang PBA D-League sa susunod na linggo tampok ang walong koponang magbabakbakan.
Idaraos sa pagkakataong ito ang Aspirants’ Cup kung saan kumpirmado na ang paglahok ng reigning NCAA champion Colegio de San Juan de Letran (Wangs Basketball) gayundin ng De La Salle University (EcoOil).
Maliban sa Letran at La Salle, aariba rin ang University of Santo Tomas (Builders Warehouse), San Sebastian College Recoletos (Apex Fuel) at Centro Escolar University.
Hahataw din ang five-peat NAASCU champion Adalem Construction-St. Clare College, AMA Online Education at ang Marinerong Pilipino.
Pamumunuan ang Letran ni NCAA MVP at Gilas Pilipinas member Rhenz Abando kasama si veteran playmaker Fran Yu.
Kasalukuyang nasa New Zealand si Abando kasama ang Gilas Pilipinas na sasabak laban sa Tall Blacks sa Huwebes sa FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Lalarga naman para sa EcoOil-La Salle sina Filipino-American Michael Phillips, Evan Nelle at Mark Nonoy.
Magsisimula ang torneo sa Hulyo 7 kung saan idaraos ang mga laro tuwing Martes sa Ynares Sports Arena sa Pasig City at tuwing Huwebes at Sabado sa Smart Araneta Coliseum.
Nakipagpulong na ang pamunuan ng D-League sa Commission on Higher Education (CHED) at Games and Amusements Board (GAB) para masiguro na ligtas ang lahat ng mga student-athletes na sasabak sa torneo.
- Latest