Bucks itinakas ni Giannis
MILWAUKEE — Isinalpak ni Giannis Antetokounmpo ang isang driving layup sa huling dalawang segundo para ibigay sa nagdedepensang Bucks ang 127-125 panalo laban sa Charlotte Hornets.
Ito ang pang-walong sunod na ratsada ng Milwaukee (14-8).
Tumapos si Antetokounmpo na may 40 points at 12 rebounds at nagdagdag si Khris Middleton ng 21 points markers para sa Bucks na tinablahan ng Hornets (13-11) sa 125-125 sa huling 5.9 segundo mula sa triple ni LaMelo Ball.
Ang assist ni Jru Holliday kay Antetokounmpo ang nagresulta sa reverse left-side layup ng Milwaukee superstar para sa kanilang panalo.
Umiskor si Ball ng career-high 36 points sa panig ng Charlotte at may 25 at 22 markers sina Kelly Oubre Jr. at Miles Bridges, ayon sa pagkakasunod.
Sa Washington, tumipa si Montrezl Harrell ng 27 points sa 115-107 panalo ng Wizards (14-8) kontra sa Minnesota Timberwolves (11-11).
Nakasosyo ng Wizards sa No. 2 spot sa Eastern Conference ang Bucks at Chicago Bulls sa ilalim ng Brooklyn Nets (15-6).
Sa Boston, kumamada si Jayson Tatum ng 26 points kasama ang career-high 16 rebounds para igiya ang Celtics (12-10) sa 88-87 paglusot sa Philadelphia 76ers (11-11).
Sa New Orleans, humugot si Luka Doncic ng 18 sa kanyang team-high 28 points sa first quarter sa 139-107 pagbugbog ng Dallas Mavericks (11-9) sa Pelicans (6-18).
- Latest