PSI mahigpit ang protocols sa try-out
MANILA, Philippines — Mahigpit na health and safety protocols ang ipapatupad para sa national team tryouts ng Philippine Swimming Inc. (PSI) simula bukas hanggang Linggo sa isang bubble setup sa New Clark City Aquatics Center sa Capas, Tarlac.
Dalawang RT-PCR tests ang pagdaraanan ng kabuuang 75 swimmers bago pumasok sa venue at isa kapag nasa loob na sila para sa paglangoy sa Swimming National Selection (SNS) Bubble.
Ito ay bilang pagsunod sa alituntunin ng Inter-Agency Task Force (IATF) at ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
“May mga swabbing para mas safe ang mga swimmers,” wika ni Joan Cacho-Mojdeh ng Phi-lippines B.E.S.T (Behrouz Elite Swim Team). “May two swab na gagawin bago pumasok sa bubble and then another upon entering.”
Unang lalahok ang mga national tankers sa 2021 FINA (International Swimming Federation) World Swimming Championships (25 meters) sa Disyembre 15 -20 sa Abu Dhabi.
Sa susunod na taon ay sasali naman ang bansa sa 2022 World Aquatics Championships sa Fukuoka, Japan, sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam at sa Asian Games sa Hangzhou, China.
Noong 2019 SEA Games na ginanap dito sa Pinas ay kumolekta ang mga national swimmers ng isang gold, anim na silver at siyam na bronze medals.
- Latest