Ginebra-Phoenix sa playoff
MANILA, Philippines — Bagama’t bigo sa kanilang final elimination game, nabigyan pa rin ng tsansa ang nagdedepensang Barangay Ginebra para sa No. 8 spot sa quarterfinal round ng 2021 PBA Philippine Cup.
Pasalamat ang Ginebra sa NorthPort na nagwagi sa Alaska, 122-94, sa pagtatapos ng eliminations kahapon sa Don Honorio Ventura State University Gym sa Bacolor, Pampanga na nagkaloob sa kanila ng playoff slot.
Kumamada si Robert Bolick ng triple double na 22 points, 13-rebounds at 13-assists at may 21 markers si rookie Jamie Malonzo para sa Batang Pier, may 6-5 record para upuan ang No. 5 spot sa quarterfinals.
Sa unang laro, tinalo ng No. 2 Meralco ang Ginebra, 79-66, para sa kanilang ikaapat na sunod na ratsada papasok sa quarterfinals bitbit ang ‘twice-to-beat’ advantage laban sa No. 7 NLEX.
Tumapos ang Ginebra na katabla sa 4-7 karta ang Phoenix at Terrafirma ngunit nasibak ang huli bunga ng mababang qiutient.
Ang mananalo sa pagitan ng Ginebra at Phoenix ang sasagupa sa No. 1 TNT Tropang Giga, may ‘twice-to-beat’ advantage sa quarters.
Sa best-of-three quarterfinals series ay magtutuos ang No. 3 Magnolia at No. 6 Rain or Shine at maglalaban ang No. 4 San Miguel at No. 5 NorthPort.
Kumolekta sina Mac Belo at rookie Alvin Pasaol ng tig-15 points para pamunuan ang Bolts kasunod ang 10 markers ni Chris Newsome.
Bukod sa Aces at Blackwater, nasibak na rin sa torneo ang Terrafirma.
- Latest