High Speed Hitters diretso sa dalawa
MANILA, Philippines — Pumalo si Fil-Canadian Savi Davison ng 13 points mula sa 12 attacks at isang block para igiya ang PLDT sa 25-18, 25-20, 25-16 demolisyon sa ZUS Coffee sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series kahapon sa Santiago Sports Arena sa City of Santiago, Isabela.
Nagdagdag si Kim Kianna Dy ng walong puntos at may tig-anim na marka sina Dell Palomata at Jessa Ordiales para sa 2-2 record ng High Speed Hitters.
Tumipa si Angge Alcantara ng 13 excellent sets at may 13 excellent digs si team captain at libero Kath Arado.
“Ngayong nakuha na ulit namin ‘yung groove, ang challenge ngayon is paano maging consistent at paano ma-maintain ‘yung ganitong feeling na nananalo,” ani assistant coach Manolo Refugia.
Bagsak ang Thunderbelles sa ikaapat na dikit na kamalasan.
Matapos makadikit ang ZUS Coffee sa 18-19 sa first period ay kumamada naman ang PLDT para kunin ang 25-18 panalo.
Mula rito ay hindi na nagpaawat ang High Speed Hitters para tapusin ang Thunderbelles sa loob ng isang oras at 16 minuto.
Pinamunuan ni Zam Nolasco ang ZUS Coffee sa kanyang siyam na puntos.
- Latest

















