Caloy itotodo lakas sa vault, floor exercise para sa ginto

MANILA, Philippines — Target ni Olympic Games at Asian Games champion Carlos Yulo na hablutin ang gintong medalya sa vault at floor exercise sa 2026 FIG Artistic Gymnastics World Championships na ginaganap sa Rotterdam, Netherlands.
Umabante sa finals si Yulo sa dalawang naturang events matapos ang qualifying round noong Linggo ng gabi.
Nasiguro ni Yulo ang ikalawang puwesto sa floor exercise matapos magtala ng 14.500 puntos habang ikaanim naman ito sa vault tangan ang 14.266 puntos.
Nakatakda ang finals sa floor exercise sa Oktubre 24 habang idaraos naman ang finals sa vault sa Oktubre 25.
Sa kabuuan, nakalikom si Yulo ng 77.631 puntos sa individual all-around para magkasya lamang sa ika-34 puwesto.
Nagrehistro si Yulo ng 14.166 sa parallel bars habang may 11.166 puntos ito sa pommel horse, 10.766 sa horizontal bar at 13.033 sa still rings.
Target ni Yulo na madepensahan ang korona nito sa vault na napanalunan nito noong 2025 edisyon ng World Championships na ginanap sa Jakarta, Indonesia.
Nagkasya naman sa tanso si Yulo sa floor exercise event sa parehong edisyon.
Ngunit galing sa matikas na ratsada si Yulo sa katatapos na Asian Games sa Nagoya, Japan kung saan pinagharian nito ang dalawang naturang events.
Ang floor exercise at vault din ang parehong mga events kung saan nakasikwat si Yulo ng gintong medalya sa 2024 Olympic Games sa Paris, France.
Bigo naman ang nakababata nitong kapatid na si Karl Eldrew Yulo sa kanyang unang pagsalang sa World Championships.
Hindi nakapasok sa finals si Eldrew sa kanyang mga events na nilahukan.
Mayroon lamang itong 8.666 points sa parallel bars, 10.866 points sa horizontal bar, 12.100 sa floor exercise, 11.933 sa pommel horse, 9.833 sa still rings at 13.700 sa vault.
Nagrehistro ito ng kabuuang 67.032 points sa individual all-around.
- Latest

















