Eala babawi sa Ningbo Open
MANILA, Philippines — Target ni Alex Eala na makaresbak sa Ningbo Open matapos ang masaklap na kampanya nito sa ginaganap na Wuhan Open sa China.
Namaalam na rin sa kontensiyon si Eala sa doubles event ng Wuhan kaya’t sesentro na ang paghahanda nito para sa susunod na labang haharapin nito sa WTA 500 Ningbo Open na aarangkada mula Oktubre 19 hanggang 25 sa Ningbo, China.
Lumasap ang Pinay netter ng 6-4, 3-6, 3-6 pagyuko kay world No. 217 Shi Han ng China noong Lunes.
Nadagdagan pa ang pait ni Eala nang masibak din ito sa doubles kasama ang kaibigang si Zeynep Sonmez ng Turkey.
Nagtamo sina Eala at Sonmez ng 2-6, 2-6 pagkatalo kina Ukraine netters Dayana Yastremska at Anhelina Kalinina sa opening round upang tuluyan nang mamaalam sa kontensyon si Eala.
May 28 players ang pasok sa main draw kung saan ang Top 4 players lamang ang mabibigyan ng first-round bye.
Kumpirmado ang partisipasyon nina Ningbon Open defending champion Elena Rybakina ng Kazakhstan kasama sina world No. 4 Jessica Pegula ng Amerika, world No. 6 Elina Svitolina ng Ukraine at world No. 9 Iga Swiatek ng Poland.
- Latest




















