UST pinigil ratsada ng FEU

MANILA, Philippines — Winakasan ng University of Sto. Tomas ang kanilang two-game losing streak matapos kalmutin ang Far Eastern University, 81-69 kahapon sa UAAP Season 89 collegiate men’s basketball tournament na nilaro sa Aranete Coliseum.
Nagtala si Mark Llemit ng 18 points, 11 rebounds at anim na assists para pamunuan ang opensa ng Growling Tigers at tulungan ilista ang 3-3 karta.
Impresibo rin ang inilaro ni Collins Akowe sa tinikadang 14 markers, 19 boards at apat na assists para akbayan ang UST sa pagpigil sa four-game winning streak ng FEU.
Mainit na sinimulan ng FEU ang kanilang laro matapos nilang hawakan ang walong puntos na bentahe, 20-12 sa pagtatapos ng first quarter.
Nagpatuloy ang panunuwag ng Tams sa second canto kaya lumaki pa ang kanilang lamang sa 13 puntos, 41-28 sa halftime.
Ngunit, lumabas ang bangis ng Tigers sa third canto, humabol para agawin ang lamang, 57-50 papasok ng fourth quarter.
Nakahabol ang FEU sa payoff period pero hindi nasira ang diskarte ng UST kaya nasilo nila ang panalo.
Samantala, humugot ng lakas ang University of the Philippines sa fourth quarter upang gilitan ang Adamson University, 69-67 sa huling laro.
Kinapitan ng Fighting Maroons sina Veejay Pre at Rey Remogat sa bandang dulo ng labanan upang sikwatin ang pangalawang sunod na panalo at ilista ang 4-2 karta.
Nalasap naman ng Falcons ang pangatlong talo sa anim na salang, kasalo nila sa No. 4 spot sa team standings ang defending champion La Salle at UST.
- Latest




















