Zoleta, ka-tropa gugulatin Japan

Sa puntiryang gold medal match
MANILA, Philippines — Ang makapasok sa gold medal round ang hangad ng Philippine women’s soft tennis team sa kanilang pagsampa sa semifinal round sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Lalabanan ng tropa ang host Japan sa semis ngayong alas-8 ng umaga sa Nagoya City Higashiyama Park Tennis Center.
Nakatiyak na ng kauna-unahang bronze medal sa Asiad ang mga Pinay netters matapos magtala ng 2-1 baraha sa Group B, habang winalis ng mga Japanese ang tatlong laban sa Group A.
“Hindi naman sa nag-e-expect but we are hoping. Our high hopes naman nandun na makapag-medal,” wika ni multi-titled Bien Zoleta kasama sina Princess Catindig, Shyryn Salazar, Christy Sañosa at Hilary Paas.
Dinomina ng Nationals ang Mongolia, 3-0, bago isinunod ang Thailand, 2-1, habang minalas sila sa Chinese Taipei, 0-3, sa pagtatapos ng group stage.
Apat na beses nabigo ang tropa na makasampa sa semis para sa tansong medalya sa Asiad.
“Ever since nag-paparticipate kami sa Asian Games, alam namin makakatawid kami,” dagdag ng four-time Southeast Asian Games gold medalist na si Zoleta.
Sakaling makalusot sa Japan ay awtomatikong makakamit ng grupo ni Zoleta ang silver medal kasunod ang pagpuntirya sa kauna-unahang Asiad gold medal.
Kumpara sa national women’s squad ay minalas naman ang national men’s team na makapasok sa semis.
- Latest






















