Lady Bulldogs vs Tigresses sa UAAP Finale

MANILA, Philippines — Pormal na sumampa sa Finals ang National University Lady Bulldogs matapos nilang patalsikin ang Far Eastern University Lady Tamaraws, 25-13, 27-25, 25-15 sa 86th UAAP women’s volleyball tournament na nilaro sa Araneta Coliseum kagabi.

Nahirang na Best Pla­yer of the Game ang one-time league MVP na si Mhi­caela “Bella” Belen.

Ipinakita ng Lady Bulldogs ang kanilang bangis matapos sakmalin ang panalo sa unang dalawang sets.

Magaan na nagwagi ang NU sa set 1 matapos nilang tambakan ang katunggali pero napalaban sila ng todo sa second set bago nakuha ang panalo.

May tsansa sanang masuwag ng Lady Tamaraws ang panalo sa se­cond frame matapos nilang makalamang ng dalawa, 16-14 pero mas naging determinado ang Lady Bulldogs kaya nasungkit ang panalo at mamuro sa pagsampa sa Finals.

Sa third set ay hinarurot na ng todo ng Lady Bulldogs ang Lady Tams.

Dahil sa panalo, arangkada ang NU sa championship round laban sa naghihintay na University of Santo Tomas Golden Tigresses.

Nakatakdang mag­ha­rap sa best-of-three Finals ang UST at NU sa Sabado sa Big Dome.

Show comments