Dragons magbabalik sa PBA Commissioner’s Cup
MANILA, Philippines — Kumpirmado nang muling sasalang ang guest team na Bay Area Dragons sa darating na 2023 PBA Commissioner’s Cup sa Oktubre.
Kasabay ito ng ‘pagtira’ ng Dragons sa Hong Kong bilang kanilang tahanan sa halos kabuuan ng 2023-24 season ng East Asia Super League (EASL).
“The PBA is very excited about adding in a Hong Kong element to our upcoming Commissioner’s Cup, and we look forward to the Bay Area Dragons team re-joining the PBA,” sabi ni PBA Commissioner Willie Marcial.
Tinakasan ng Barangay Ginebra ang Bay Area, 4-3, sa nakaraang PBA Commissioner’s Cup best-of-seven championship series.
Sa kanilang pagsabak sa EASL ay muling magtutuos ang Gin Kings at Dragons bukod sa pagharap ng koponan ni coach Brian Goorjian sa San Miguel, Japan B.League 2022-23 champions na Ryukyu Golden Kings at Korean Basketball League 2022-23 runners-up na Seoul SK Knights.
Simula sa darating na EASL season ay tatawagin nang Chun Yu Bay Area Dragons ang koponan katambal ang local team na Chun Yu Basketball Club at kinikilala ng Hong Kong Basketball Association.
Ang Dragons ay binubuo ng mga top professional players mula sa Mainland China, Hong Kong, Chinese Taipei at American imports.
Sina Team Hong Kong captain Duncan Reid at dating South China standout Glen Yang ang gigiya sa Dragons na binubuo pa ang kanilang line-up.
- Latest