Pinoy karatekas sasabak sa SEAKF
Magtatangkang humakot ng gintong medalya ang national karate squad sa 2023 Southeast Asia Karate Federation (SEAKF) Championships na idaraos sa Marso 13-19 sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Lalahukan ang seven-day meet ng mahigit 200 karatekas mula sa 11 bansang kasapi ng SEAKF.
Ayon kay Karate Pilipinas Sports Federation (KPSF) president Richard Lim, magsisilbi itong pre-SEA Games tournament kung saan magkakasubukan ang mga maglalaban laban sa Cambodia SEAG.
“Our very own SEAG Team led by Fil-Japanese Junna Tsukii and Sakura Alforte are coming over to participate in the tournament. Yes, buo na ang team natin for SEA Games, we already submitted the list sa Philippine Olympic Committee, but we still have a chance to change the line-up if ever na may makita tayong players na mas deserving,” pahayag ni Lim sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa PSC Conference Room sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Malate, Manila.
Handang-handa na ang lahat ng miyembro ng national team matapos ang ilang buwan na pagsasanay para masigurong preparado ang bawat isa.
Hindi makalalahok siJamie Lim na isa pa naman sana sa aasahan ng Pinoy squad.
Kasalukuyang nasa Canada si Lim para sumabak sa ilang serye ng torneo na magbibigay sa kanya ng puntos sa world ranking.
Nangunguna ang Vietnam sa mga darating sa bansa kung saan 78 atleta ang isasabak nito.
- Latest