Unification fight target ni Magsayo
MANILA, Philippines — Hinamon ni reigning World Boxing Council (WBC) featherweight champion Mark Magsayo si World Boxing Association (WBA) featherweight king Leo Santa Cruz ng Mexico sa isang blockbuster unification fight.
Subalit tila maghihintay muna ang inaasam na unification fight ni Magsayo dahil daraan muna ito sa mandatory title defense na ipinag-utos ng WBC.
Nakatakdang harapin ni Magsayo si Mexican mandatory challenger at dating WBC super bantamweight titlist Rey Vargas ngunit wala pa itong petsa.
Sa kabila nito, niluluto na ni MP Promotions chief Sean Gibbons ang Magsayo-Santa Cruz unification fight na target nitong ganapin sa Staples Center sa Los Angeles, California.
“After Vargas, we’ll go for Santa Cruz,” ani Gibbons.
Nakatakdang bumalik ng Pilipinas si Magsayo sa buwan na ito upang makasama ang kanyang pamilya at makapag-celebrate sa kanyang tagumpay.
Galing ito sa matamis na majority decision win laban kay Gary Russell noong Enero sa New Jersey upang maagaw ang WBC belt.
Agad namang babalik si Magsayo sa Los Angeles, California upang magsanay sa Wild Card Gym kasama si Hall of Famer Freddie Roach.
Handa si Roach na hasain pa ng husto si Magsayo upang matagumpay na madepensahan ang kanyang WBC belt.
- Latest