Duno unang sasabak sa 2022
MANILA, Philippines — Bubungad si Romero Duno sa kampanya ng Pinoy boxers sa 2022.
Si Duno ang kauna-unahang sasalang sa Enero kung saan makakasagupa nito si undefeated lightweight contender “The Ghost” Frank Martin (14-0, 10 KO’s) sa Premier Boxing Champions New Year’s Day Show sa Hard Rock Seminole Hotel and Casino sa Hollywood, Florida.
Hawak ni Duno ang 24-2 rekord kabilang ang 19 knockouts. Mataas ang moral ni Duno na galing ito sa tatlong sunod na panalo via knockouts.
Una nitong pinataob si Angelito Merin noong Pebrero 2020 sa General Santos City bago pinayuko si Ramon Elizer Esperanza ng Paraguay noong Agosto 2021 sa Miami, Florida.
Huling sumalang si Duno noong Setyembre 2021 nang igupo nito si Jonathan Perez ng Colombia sa Miami.
Umaasa si Duno na masusundan ang magandang momento sa tuwing lumalaban ito sa Miami.
Kaya naman kahit holiday season, tuloy ang ensayo ni Duno para matiyak na nasa perpektong kundisyon ito bago sumabak sa laban.
Hindi magiging madali ang daang tatahakin nito.
Wala pang talo si Martin sa kaniyang 14 pagsalang.
Nasa ilalim ito ng Man Down Promotions — ang parehong promoter na humahawak sa boxing career ni World Boxing Council (WBC) at International Boxing Federation (IBF) welterweight champion Errol Spence Jr.
Nakakasabay pa ni Martin sa training si Spence sa Dallas, Texas.
Hawak ni veteran trainer Derrick James ang training program ni Martin kaya’t inaasahang may solidong plano na ito para kay Duno.
- Latest