Jazz puro na; wizards nakaiwas sa sweep
MEMPHIS, Tenn — Humataw si Donovan Mitchell ng 30 points at may 24 markers si NBA Sixth Man of the Year Jordan Clarkson sa 120-113 paggupo ng top-seeded Utah Jazz sa Grizzlies sa Game Four ng kanilang Western Conference first-round series.
Bitbit ang 3-1 bentahe, maaari nang tapusin ng Jazz, ang NBA team na may best record sa regular season, ang kanilang best-of-seven series ng Grizzlies sa Game Five bukas sa Salt Lake City.
Nagdagdag si center Rudy Gobert ng 17 points at may 13 at 11 markers sina Bojan Bogdanovic at Mike Conley, ayon sa pagkakasunod, para sa Utah.
Umiskor lamang ng 23 points si Memphis star guard Ja Morant matapos kumamada ng average na 33.7 points per game sa unang tatlong laro sa serye.
Sa likod nina Mitchell, Clarkson at Gobert ay inilista ng Jazz ang 100-87 kalamangan sa pagtiklop ng third quarter bago nakalapit ang Grizzlies sa 104-106 sa huling 5:30 minuto ng fourth period.
Kaagad namang sumaklolo si Conley nang magsalpak ng three-point shot para muling ilayo ang Utah sa Memphis.
Sa Washington, kumamada si Bradley Beal ng 27 points at ipinoste ni Russell Westbrook ang kanyang ika-12 career playoff triple-double sa 122-114 panalo ng Wizards sa Philadelphia 76ers para makaiwas sa sweep.
Kumolekta si Westbrook ng 19 markers, 21 rebounds at 14 assists para sa 1-3 agwat ng Washington sa Philadelphia.
- Latest