Zero COVID-19 sa Calamba bubble
PSC kumpiyansa
MANILA, Philippines — Naniniwala ang Philippine Sports Commission (PSC) na walang magiging positibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa kanilang pagsasagawa ng bubble training sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Kaya naman magiging mahigpit ang PSC sa pagpapatupad ng health at safety protocols sa ipapasok na mga national boxers, karatekas at taekwondo jins.
“Iyong mga atleta natin na mga beterano na sa kanilang mga laro, kaya tawag sa kanila elite athletes, these athletes are very disciplined athletes and they are role models of the country,” ani PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez. “Kayang-kaya naman nilang sundin iyan.”
Kamakailan ay binigyan ng ‘go signal’ ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagbabalik-ensayo ng mga national athletes sa loob ng ‘bubble’.
Ang mga national boxers, karatekas at taekwondo jins ang mga inisyal na isasalang ng PSC sa ‘bubble’ training sa Inspire Sports Academy.
“Istrikto talaga iyon dahil isa lang ang ma-infect diyan, ihihinto na naman natin iyong training. So para hindi mangyari ang ganoon, sa start pa lang istriktuhan na natin,” wika ni Ramirez.
Naniniwala si Ramirez na madaragdagan pa ang apat na national athletes na mayroon nang tiket sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Ang mga may Olympic berth na ay sina boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno, pole vaulter Ernest John Obiena at gymnast Carlos Edriel Yulo.
“That’s why our bubble training will start in the first week of January to really prepare for the Tokyo Olympics,” ani naman ni PSC Commissioner Ramon Fernandez.
Nakatakdang bumalik sa Manila sa Enero 10 sina Magno at 2019 World Championships gold medalist Nesthy Petecio mula sa Iloilo City at Davao City, ayon sa pagkakasunod.
Bukod kay Petecio, ang iba pang sasabak sa huling Olympic qualifying sa Mayo sa Paris ay sina Carlo Paalam, Rogen Ladon at Ian Clark Bautista.
- Latest