Solidong suporta ibubuhos ng PSC
Sa pinoy Olympic qualifiers
MANILA, Philippines — Solidong suporta ang ibibigay ng Philippine Sports Commission (PSC) sa mga Filipino athletes na makakasikwat ng tiket para sa 2021 Olympic Games.
Nauna nang nakakuha ng Olympic berth sina pole vaulter Ernest John Obiena, gymnast Carlos Edriel Yulo at boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno.
Ang bawat Olympic qualifier ay binibigyan ng PSC ng kanilang sariling trainer, nutrionist at sports psychologist, ayon kay PSC Commissioner Ramon Fernandez.
“In place na iyong team Obiena. In place na ‘yung team Yulo. Iyong team Hidilyn (Diaz) maski hindi pa siya qualified ay mayroon na siyang team,” wika kahapon ni Fernandez, ang Officer-in-Charge (OIC) ng PSC habang nasa bakasyon si chairman William ‘Butch’ Ramirez.
“We will be discussing team Marcial, team Magno. Kapag nag-qualify kayo sa Olympics gagawan kayo ng team ng PSC,” dagdag ng four-time PBA Most Valuable Player.
Nagsasanay sa ibang bansa sina Obiena at Yulo habang nasa kanilang mga probinsya naman sina Marcial at Magno.
Maliban kay Diaz, ang 2016 Rio de Janeiro Olympics silver medalist, ang iba pang nag-aasam ng tiket sa 2021 Tokyo Games ay sina skateboarder Margielyn Didal, BMX rider Daniel Caluag at boxers Nesthy Petecio, Carlo Paalam, Ian Clark Bautista at Rogen Ladon.
- Latest