Acampado nag-ambag ng ginto sa Team Philippines
MANILA, Philippines — Isa pang gintong medalya ang nasungkit ng national esports team o mas kilala sa tawag na Team Sibol matapos pagharian ni
Caviar Napoleon Acampado ang Starcraft II kahapon sa 2019 Southeast Asian Games esports competition kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Pinataob ni Acampado si Thomas Kopankiewicz ng Singapore sa pamamagitan ng 4-1 paglampaso sa gold-medal match.
Nakuha ni Acampado ang 2-0 kalamangan sa best-of-seven finals na siyang naging matibay na umpisa nito para makuha ang ginto.
“I’m so happy because all the pressure that I felt for a year is gone now. It (Game 3 loss) was more on my fault so I thought I just needed to regain my
focus,” ani Acampado na nagkampeon sa 2018 World Electronic Sports Games.
Nakumpleto ni Acampado ang five-game sweep sa group stage kasama na ang panalo kay Kopankiewicz at mga pambato ng Malaysia, Vietnam,
Thailand at Indonesia.
Ito ang ikatlong gintong medalya ng Team Sibol sa biennial meet.
- Latest