Generika ‘di susuko sa Petron
MANILA, Philippines — Itataya ng nagdedepensang Petron ang malinis na rekord nito laban sa mapanganib na Generika-Ayala sa pagpapatuloy ng 2019 Philippine Superliga Grand Prix ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Hahataw ang bakbakan ng Blaze Spikers at Lifesavers sa alas-2 ng hapon na susundan ng engkuwentro ng Cignal HD at PLDT Home Fibr sa alas-4:15 at ng Foton at United Volleyball Club sa alas-7 ng gabi.
Matayog ang lipad ng Petron na may 11-game winning streak.
Galing naman ang Lifesavers sa dalawang sunod na panalo at inaasahang muli itong magbubuhos ng lakas para mapangalagaan ang kanilang 4-7 marka sa No. 6 spot.
Ngunit kung matatalo ito sa Petron, tuluyan nang lalabo ang pag-asa ng Lifesavers na makahirit ng twice-to-beat card sa quarterfinals.
Sesentro din ang atensiyon sa Cignal at PLDT na parehong naghahabol din sa twice-to-beat incentive sa quarterfinals.
Okupado ng Power Hitters ang No. 3 (7-5) habang ikaapat naman ang HD Spikers (6-6).
Desidido naman ang two-time Foton na tuldukan ang nine-game losing skid nito.
- Latest