Cignal-Ateneo tinambakan ang Go For Gold-St. Benilde
Laro sa Lunes (Paco Arena)
2pm UST vs EAC
4pm CEU vs FEU
MANILA, Philippines — Magarbong sinimulan ng Cignal-Ateneo ang kanilang kampanya matapos ilampaso ang Go For Gold-College of Saint Benilde, 103-75 sa 2019 PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Bumandera si Isaac Go nang kumana ito ng 21 puntos tampok ang 4-of-6 three-point shooting habang naglista sina Adrian Wong ng 17 markers at limang boards at Matt Nieto ng 14 points at pitong assists para makuha ng Hawkeyes ang maagang liderato (1-0).
Nagparamdam din si Ivorian center Angelo Kouame na humakot ng 13 points, 18 rebounds, apat na blocks at dalawang steals gayundin si Mike Nieto na kumuha naman ng siyam na puntos.
“The guys played very efficiently. This isn’t how we play in the UAAP. We’ll press a lot more, we’ll do a lot of other things that we really can’t do when our numbers are down. So offensively. I was surprised, we played pretty well,” ani Cignal-Ateneo mentor Tab Baldwin.
Nanguna para sa Foundation Cup champion Go For Gold-CSB si Justin Gutang na naglista ng 21 points at tatlong boards habang may 11 markers at tatlong rebounds naman si Yankie Haruna.
Dikit lang ang iskor sa 20-16 sa pagsisimula ng laban.
Subalit umariba ng husto ang Hawkeyes sa second quarter nang pasabugin nito ang 24-3 atake para lumayo ng husto sa 44-17.
Ito na ang naging matatag na pundasyon ng Cignal-Ateneo para makuha ang panalo.
Nagtala ang Hawkeyes ng impresibong 55 porsiyentong field-goal shooting at 45 % sa three-point territory.
- Latest