Ramirez may plano sa mapipiling atleta
MANILA, Philippines — Malaki ang plano ng Philippine Sports Commission para sa mga mahuhusay na atleta na kanilang mapipili mula sa Batang Pinoy at Palarong Pambansa.
Sinabi kahapon ni PSC chairman William “Butch” Ramirez na ang naturang mga atleta ay kanilang sasanayin sa loob ng isa at kalahating buwan bago isabak sa mga international competitions kagaya ng Association of the Southeast Asian Nation School Games.
Dito madedetermina ng komisyon kung karapat-dapat silang maisama sa national training pool.
“They will be the counterpart of our elite athletes and hopefully a few of them could end up elite athletes themselves in the near future,” wika ni Ramirez.
Samantala, pinormalisa ng PSC ang kanilang kasunduan sa Ilagan City, Isabela, Iloilo at Tagum, Davao del Norte para maging regional hosts ng Luzon, Visayas at Mindanao Legs ng 2019 Batang Pinoy.
Nilagdaan ni Ramirez kasama ang mga kinatawang sina Giovanni Gulanes (Davao del Norte Provincial Sports and Youth Development chief), Moises Solomon (Iloilo City Sports Coordinator) at Ricky Laggui (Ilagan, Isabela General Services Office head) ang isang Memorandum of Agreement.
Ang Mindanao leg ay nakatakda sa Pebrero 2-9 sa Tagum, Davao del Norte kasunod ang Visayas leg sa Pebrero 23 hanggang Marso 2 sa Iloilo City at ang Luzon leg sa Marso 16-23 sa Ilagan City, Isabela.
Ang Batang Pinoy National Finals na gagawin sa Oktubre ay posibleng idaos sa Tagbilaran, Bohol o Ormoc City, Leyte, ayon kay Ramirez.
Ang mga events na inilatag sa nasabing mga regional meets ay ang archery, arnis, athletics, badminton, baseball, basketball, boxing, chess, dancesport, futsal, karatedo, lawn tennis, pencak silat, sepak takraw, softball, swimming, table tennis, taekwondo at indoor at beach volleyball.
- Latest