Orcollo No. 2 sa World Money Maker list
MANILA, Philippines — Pumapangalawa si Dennis Orcollo sa listahan ng Players Money List 2018 ng AzBilliards.
Nakalikom si Orcollo ng $72,200 premyo para makuha ang No. 2 spot.
Pinakamalaking nakuha nito ang $7,000 nang magkampeon sa West Coast 10-Ball Pro Challenge noong Hulyo sa Mountainview, California kasunod ang paghahari nito sa 2018 Houston Open noong Setyembre sa League City, Texas kung saan nagbulsa ito ng $4,000.
Nagkampeon din si Orcollo sa Freezer’s Icehouse one-Pocket Challenge ($3,000), Derby City Classic 14.1 Straight Pool Challenge ($2,750) at Junior Norris Memorial Shootout 10-Ball ($2,200).
Pasok din sa Top 10 si dating world champion Francisco “Django” Bustamante na nasa ikasiyam na puwesto bitbit ang $47, 560.
Malaking porsiyento ang nakuha ni Bustamante nang makuha nito ang korona sa Derby City Classic Master of the Table para magkamal ng $20,000.
May $12,000 din ito sa pamamayagpag sa Derby City Classic One-Pocket Division at $2,000 naman sa kanyang titulo sa midwest Bar Table Classic One Pocket Championship.
Nasa unahan ng listahan si Shane Van Boening ng Amerika na nakakuha ng tumataginting na $104,222 habang ikatlo si Filipino-Canadian Alex Pagulayan na may $68,375.
- Latest