E-Painters tambak sa Tropang Texters
MANILA, Philippines — Dahil isa nang ‘no bearing’ game ay tila isinuko na ng Rain or Shine ang laro sa second half.
Ito ang sinamantala ng TNT Katropa para angjkinin ang 100-85 panalo at upuan ang No. 3 seat sa quarterfinal round ng 2018 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
“Admittedly, it’s a no-bearing for them,” sabi ni coach Nash Racela. “In the first half, just watching our players perform, I really felt they had the same mentality as Rain or Shine but we have to remind them that this game has bearing for us specifically over the last two weeks.”
Isinara ng Tropang Texters ang elimination round sa 8-3 kapantay ang Alaska Aces, nauna nang nakamit ang No. 2 berth, habang nagwakas ang six-game winning streak ng Elasto Painters para sa kanilang 9-2 kartada.
Sa quarterfinals ay magbibitbit ang No. 1 at No. 2 teams ng ‘twice-to-beat’ advantage laban sa No. 8 at No. 7 squads, ayon sa pagkakasunod habang magtutuos sa best-of-three series ang No. 3 at No. 6 at ang No. 4 at No. 5.
Magsisimula ang quarters bukas sa Big Dome.
Kinuha ng TNT Katropa ang 47-39 bentahe sa halftime hanggang tuluyan nang ibaon ang Rain or Shine sa 68-51 mula sa three-point play ni import Josh Smith sa huling 3:10 minuto ng third quarter.
Tuluyan nang sinelyuhan ni Smith ang panalo ng Texters matapos makumpleto ang isa na namang 3-point play para iwanan ang Painters sa 10-78 sa huling 2:39 minuto ng fourth period.
- Latest